Kanselado na ang cast appearance sa ibang bansa, Christian Bale shocked na shocked pa rin

MANILA, Philippines - Shocked na shocked ang bida ng Batman movie na The Dark Knight Rises na si Christian Bale sa pamamaril ng isang 24 an­yos na lalaki sa isang sinehan sa Denver, Colorado, United States na pinaglalabasan ng kanyang pelikula at ikinasawi ng 12 katao at ikinasugat ng 50 pa noong Biyernes (Sabado sa Pilipinas).

Kasabay nito, naghigpit sa pagbabantay ng seguridad sa mga sinehan sa Amerika lalo na sa New York makaraang maganap ang pamamaril na kagagawan ng isang lokal na residenteng si James Holmes. Bukod dito, bawal na ang pagsusuot ng maskara sa sinehan.

Kinansela rin ng Warner Bros. Pictures ang appearances ng mga cast at filmmaker ng The Dark Knight Rises sa Mexico at Japan habang kinansela rin ang premiere nito sa Paris, France.

Sa Finland, inihinto ang Internet campaign ng pelikula, ayon sa public broadcaster na YLE Television.

“Words cannot express the horror that I feel,” sabi ni Bale sa kanyang pahayag na ipinalabas ng kanyang tagapagsalitang si Jennifer Allen. “I cannot begin to truly understand the pain and grief of the victims and their loved ones, but my heart goes out to them.”

Pagsusuot ng maskara sa sinehan bawal na

Samantala, maraming pulis ang ipinakalat at itinalaga sa mga sinehan sa New York City. Ang mga ticket-taker sa isang multiplex sa Washington ay nagrerekisa sa mga bag at pitaka ng mga manonood. Sa isang malaking theater chain, pinagbabawalan ang mga manonood na magsuot ng mascara at costumes. Meron kasing hindi kumpirmadong ulat na nakamaskara umano ng karakter na Joker ng pelikulang Batman ang suspek nang mamaril ito sa sinehan.

Napaulat din na, bagama’t may ilang tao na natakot manood ng sine pagkaraan ng masaker, dedma naman ito sa iba na patuloy na pumipila para mapanood ang pinakabagong pelikula sa trilogy ng Batman.

Inihayag ng National Association of Theater Owners na masusi itong nakikipagtulungan sa pulisya at nirerepaso ang mga sistema sa seguridad sa mga sinehan.

Inihayag naman ng AMC Theaters na ipinagbabawal nilang pumasok sa kanilang mahigit 300 sinehan ang mga tao na nakamaskara.

Show comments