MANILA, Philippines - Napili bilang isang finalist ang TV mini-sine ng GMA Network, Inc. (GMA) na Hating Kapatid sa prestihiyosong Ad Stars International Advertising Festival.
Ang nasabing TV mini-sine ay binuo para sa So Lucky Soda Crackers at ipinalabas bilang bahagi ng 6th Christmas Short Film Festival ng GMA Marketing and Productions, Inc. (GMPI), ang marketing arm ng GMA.
Ang television mini-sine na ginawa ng GMPI kasama ang Columbia International Food Products, Inc. (CIFPI), ay kabilang sa 73 entries mula sa Pilipinas na napasama sa hanay ng 1,474 finalists ngayong taon.
Ito ang tanging Filipino finalist na nagmula sa isang broadcast company na lalahok sa pinakamalaking ad festival sa Asya na binuo ng South Korea-based award-giving organization na kumikilala sa mga mahuhusay na advertisement mula sa buong mundo.
Ngayong 2012, 146 advertising professionals mula sa 44 na bansa ang lumahok sa preliminary judging ng mahigit 10,000 entries na galing sa 57 na bansa.
Ang Hating Kapatid ay kuwento ng dalawang batang lumaki na walang ina, at nagsasalit-salit sa pagsuot ng lumang sapatos pang-eskwela. Nagtutulak sila ng karitong puno ng gulay upang ibenta sa bayan, bilang pantustos sa pang-araw-araw dahil hindi kayang magtrabaho ng kanilang may sakit na ama.
Makakatanggap ang dalawa mula sa kanilang suking sari-sari store owner ng isang pakete ng branded crackers na kanilang pinaghatian. Niregaluhan din ng babae ang dalawang bata ng tig-isang pares ng bagong sapatos, at niyaya na makasalo ang mga ito sa Noche Buena pati ang kanilang sakiting ama.
Pahayag ni Director Louie Ignacio tungkol sa nasabing proyekto, “Hating Kapatid is an inspirational short film na kapag pinanood mo, hindi mo puwedeng ma-feel na hindi Pasko.”
Tumanggap din ng papuri ang TV mini-sine mula sa trade at online community. Pati ang VP for Marketing ng CIFPI na si Elvira Go ay tuwang-tuwa sa materyal at humiling pa ito ng karagdagang 30-seconder commercials bilang pagpapatuloy ng kampanya.
Ang mga finalist ay maglalaban-laban para sa Ad Stars Grand Prix sa Busan Exhibition and Convention Center sa Haeundae, South Korea sa Aug. 23 to 25.
Ang Ad Stars ay inilunsad noong 2008, at unti-unting kinikilala bilang hindi matatawarang ad festival sa mundo, ayon kay Ad Star Co-chairperson Euija Lee.