Tinanggihan diumano ni Paulo Avelino na makasama si Eugene Domingo sa isang proyekto. Si Paulo dapat ang leading man ni Eugene para sa stage play na Bona na gagawin ng aktres. Ito ay ang dating pelikula na pinagsamahan nina Nora Aunor at Phillip Salvador. Kay Edgar Allan Guzman na napunta ang role na dapat ay gagawin ni Paulo.
“Hindi po kasi talaga kaya ng schedule ko. Kumbaga, sino po ba naman ang tatanggi kay Eugene Domingo na makakasama mo sa play? Ako, never ko tatanggihan. ’Yung main reason lang po ’yung pagpasok ng schedule. If ever man magawa ko siya, ’yun siguro ’yung literal na walang tulog. Hindi po ako kasi nagpa-function ng mabuti kapag ganun,” paglilinaw ni Paulo.
Hindi rin totoong hiniling ng binata na mas lakihan dapat ang pangalan niya sa billing kung sakaling matutuloy ang nasabing proyekto.
Isa si Eugene sa mga gusto talagang makasama ni Paulo sa mga proyekto na kanyang gagawin. Bukod sa teleseryeng Walang Hanggan ay pinaghahandaan na rin ni Paulo ang isang bagong pelikula na kanyang gagawin.
Marcelito si Zsa Zsa ang pinapangarap
Masayang-masaya si Marcelito Pomoy sa pagiging bahagi niya ng malaking pamilya ng Star Magic. Nabigyang katuparan daw kasi ng nasabing talent management ang lahat ng pangarap ni Marcelito.
“Marami akong gustong maka-duet eh, dati si Martin Nievera ’tapos si Sarah Geronimo at marami pa pero nakasama ko na sila. Siyempre sobrang saya ko dahil hindi ko ini-expect na maka-duet ’yung mga professional na kagaya nila,” bungad ni Marcelito.
“Siguro ngayon naman, pangarap ko makasama si Zsa Zsa Padilla, magaling kasi siyang kumanta. Gusto ko rin siyang maka-duet balang araw.”
Samantala, marami na ring nagbago sa personal na buhay ng binata mula nang manalo siya sa Pilipinas Got Talent at pasukin niya ang showbiz.
“Maraming nagbago sa buhay ko katulad ng pakikisama sa tao, dito sa ABS-CBN, sa fans kung paano maki-jamming. Mahirap din kasi kung magiging suplado ka, ’yun ang pinakamahirap,” paliwanag ng singer.
Sino nga ba si Marcelito sa likod ng camera?
“Ang akala kasi nila seryoso ako pero palabiro ako sa totoong buhay. Trip kong gawin minsan kapag walang trabaho, nagpa-practice ako ng pagkanta, ’tapos minsan naglalaro ng hockey or basketball,” sagot ng singer.
Malaki ang pasasalamat ni Marcelito sa lahat ng mga tagahanga na patuloy na tumatangkilik sa kanya mula pa noong nagsisimula pa lamang siya.
“Sana huwag kayong magsawang sumuporta, lalung-lalo na ngayon na ang humahawak sa akin ay Star Magic. Nagpapasalamat ako kasi napakabait nilang mag-alaga sa akin,” pagtatapos ng singer. Reports from JAMES C. CANTOS