Dolphy napatawa ng grabe ni Willie Nep

Kung ang buong bansa ay napatawa ni Dolphy na kasalukuyan pa nating ipinagluluksa ang pagpanaw, meron ding isang alagad ng sining ang nag­lalagay ng ngiti sa mga labi nito. Ito ay walang iba kundi ang impersonator na si Willie Nepomuceno. Sayang at hindi sa pelikula o TV napapanood si Willie kundi sa mga palabas sa stage. Pero nung lumalabas pa ito sa pelikula at sa TV ay nagkasama na rin sila.

Wiling-wili si Dolphy sa pagpapatawa ng komed­yante, lalung-lalo na ang pag-i-impersonate nito sa kanya at sa iba pang maraming kilalang personalidad.

Kung libre siya ay talagang hindi niya pinaliligtas ang mga pagtatanghal nito. Dahil sa galing ni Willie Nep ng panggagaya kay Pidol, pinagkalooban siya nito ng isang puting sumbrero na ibinigay sa kanya ng minsang makatapos siyang mapanood sa isa niyang pagtatanghal. Meron din si Willie na isang album ni Dolphy na nilagyan nito ng personal niyang dedication and signature.

 

Jolina ‘bumigay’ nang maalala ang comedy king

Isa si Jolina Magdangal sa todo ang iyak sa pagpanaw ni Dolphy. Sa kanyang taping ng Personalan, she was supposed to deliver a spiel na magbibigay pahalaga sa komedyante. Nagawa naman niya ito ng maayos bagama’t emosyonal siya. Pero ang pag-iyak nang todo ay naganap sa likod ng kamera matapos siyang mag-spiel. Naalala niya na minsan ay na­ging ama niya ito sa pelikulang Home Along Da Riber.

“I was overwhelmed by the fact na naging tatay ko siya. At kahit first time naming ’yun together, I felt so close to him. Para talaga siyang tatay ko kaya iyak ako nang iyak,” pagkukuwento niya habang nakabalot pa ang kanyang paa na naapektuhan nang mahulog siya sa stage ng Party Pilipinas kamakailan.

 

MMK susugal kay Venus

Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga manonood ng TV na makita kung marunong umarte si Venus Raj. Ang istorya niya ang tampok ngayong Sabado at sino pa ang makakaganap ng role niya ng pinakamaganda kundi siya mismo? Isang malaking sugal ito ng Maalaala Mo Kaya na pawang magagaling na artista ang kinukuhang guest.

Mai-deliver kaya ng Miss U 4th runner-up ang inaasahan sa kanyang pag-arte? Mapaarte kaya siya ng direktor na si Nuel Naval? Panoorin, kasama niya sina Perla Bautista, Malou de Guzman, Simon Ibarra, at marami pa.

Show comments