MANILA, Philippines - Bibigyan ng ibang kahulugan ng musical comedy na I Do Bidoo Bidoo: Heto NAPO Sila ang pelikulang Pinoy, isang masasabing may class na ay high quality pa ang maihahandog na pelikulang co-production ng Unitel Productions at Studio 5.
Ang kauna-unahang “movieoke” sa Pilipinas, isang selebrasyon ng mga kanta ng APO Hiking Society ang nasa I Do Bidoo Bidoo na bida ang mga kanta noong dekada 70 at 80. Ang ilan sa signature songs sa napakalaking catalogue ng trio at nakapaloob sa pelikula ay ang Mahirap Magmahal sa Syota ng Iba, Batang Bata Ka Pa, Awit ng Barkada, Syotang Pa-Class, at Pag-ibig pero iibahin ang bersiyon na naaayon sa mga eksena sa pelikula ng mga bidang karakter.
Ang I Do Bidoo Bidoo ay kuwento ng dalawang nag-iibigan na ikakasal na sana pero nagkagulo dahil sa away o hindi pagkakasunduan ng kanilang pamilya. Ang cast ay binubuo ng magagaling sa industriya ng musika na sina Gary Valenciano, na nagbalik sa pelikula matapos ang ilang taon at magpapatawa pa, Ogie Alcasid, at Zsa Zsa Padilla. Kabilang din ang comic genius na si Eugene Domingo na mapapanood na kumakanta sa halos kabuuan ng pelikula. At tampok sina Sam Concepcion at Tippy Dos Santos bilang ang mamomroblemang mag-sweetheart.
Sasamahan din sila ng theater actress na si Sweet Plantado, belter na si Frenchie Dy, Neil Coleta, Jaime Fabregas, Kiray Celis, at Gerald Pesigan.
Isinulat at idinirek ni Chris Martinez ang I Do Bidoo Bidoo: Heto NAPO Sila at mapapanood na sa Aug. 29.