Sa pagtatapos ng Mundo Man ay Magunaw noong Biyernes ay mixed emotions ang naramdaman ng bida nitong si Empress.
“Malungkot at masaya rin, at least, nagsama-sama kayo, at least nangyari ’yung ganung moment sa buhay mo. May ganung experience sa buhay so okay na rin po,” bungad ni Empress.
Ngayon ay dalawang pelikula ang nakatakdang gawin ng dalaga at ibang-iba raw ito sa kanyang mga nagawa noon.
“Isang horror at ’yung isa abangan po natin, sana matuloy. Sobrang iba po talaga pero bata pa rin ako noong nag-artista ako at alam ko naman na kapag artista na, magagawa mo naman lahat kasi ’di naman puwedeng kapag ini-offer sa ’yo tatanggihan mo. Walang mangyayari sa ’yo kapag ganun. Hindi puwedeng pa-cute lang,” paliwanag ng young actress.
Handang-handa na ngayon si Empress na gumawa ng mga proyektong daring.
“Alam ko talaga na dapat lume-level up. Ito na po ’yung time na ’yon. Nasa tamang edad na ako. Okay na sa magulang ko, sa manager ko, at ang management ko rin ang nagsasabi. Ang importante lang sa akin, confident ako at handa ang katawan ko. Kailangan maging prepared lang po talaga,” dagdag ng dalaga. “Kailangang maging sexy ako at mas deserving. Puwede naman akong maging daring sa character, hindi naman kailangang maghubad ako para maging daring. Kailangan kong matutunan na maging sensual ng konti. Medyo nasa edad na naman ako kaya medyo wala nang hesitation.”
Iya kinikilig sa small things na binibigay ni Drew
Ilang taon nang magkarelasyon sina Iya Villania at Drew Arellano. Ilang beses na ring napababalitang nagpakasal na ang dalawa pero ayon kay Iya ay wala talagang katotohanan ang isyu. Ipaaalam ng dalaga sa lahat kapag engaged na sila.
“Kapag may nakita na kayong singsing at hindi ko na puwedeng i-deny, ’yun na ‘yun. Maybe in two to three years,” pagtatapat ni Iya.
Kahit matagal na magkarelasyon ang dalawa ay hindi pa rin talaga nawawala ang kilig lalo na kapag may mga maliliit na bagay na ginagawa si Drew para sa dalaga.
“When Drew cooks for me kasi sobra siyang practical na tao. ’Yung mga ibang babae nai-spoil sila with branded bags, clothes, and shoes. Ako ini-spoil ako ni Drew sa mga unan,” natatawang kuwento ni Iya.
“Sporty attire, sneakers, stuff that he knows that I can use. Hindi siya naniniwala na bags are investments eh. So, when he decides to spend on me randomly, just small things. Actually, ultimo when he buys something from the supermarket lang, mga granola bars, doon pa lang kinikilig na ako eh. Mababaw ako pero ’yung mga small things like that kinikilig na ako,” giit pa ng aktres.
Samantala, si Iya ang host ng pinakabagong show ng Studio 23 na Gag U na mapapanood tuwing Linggo at nagsimula na ito kagabi. Reports from JAMES C. CANTOS