Manila, Philippines - Tinanghal na Best FM Radio Station ang Barangay LS 97.1 TugStugan Na! sa 2012 Yahoo! OMG! Awards.
Gumawa ng kasaysayan ang Barangay LS bilang kauna-unahang istasyon na tumaggap ng nasabing award sa FM band na kinabibilangan ng dalawampu’t anim na himpilan sa Mega Manila at mahigit isang daang istasyon sa buong bansa.
Nagkamit ang flagship FM radio station ng GMA Network ng pinakamaraming boto sa text at online poll na isinagawa ng Yahoo! Philippines. Tinalo nito ang apat pang nominado sa kategorya bilang best FM station. Umani rin ito ng ikaapat na pinakamaraming text votes sa lahat ng nominado mula sa iba’t ibang kategorya at nakakuha ng tatlumpu’t walong porsiyento ng boto sa online poll sa loob ng isang buwan na voting period.
“Lubos ang pasasalamat namin sa lahat ng bumoto sa Barangay LS 97.1 at sa Yahoo! Philippines na nagkaloob sa amin ng award na ito. Hangad namin na pasayahin ang mga tagapakinig sa pamamagitan ng aming mga programa,” pahayag ni Glenn Allona, program director ng Barangay LS.
“Patuloy kami sa paghahatid ng mga masasaya at kapana-panabik na kuwentuhan at walang tigil ng tugtugan araw-araw.”
Kasama sa kuwentuhan at kulitan sa Barangay LS sina Papa Jepoy, Papa Bodjie, Mama Cy, Papa Dudut, Ate Liza, Chikotita, Papa Tolits, Mama Belle, Papa Baldo, Papa Kiko, Papa Obet, at Papa Dan. Ilan sa mga top-rating programs ng istasyon ay ang Barangay Love Stories, Talk to Papa, at Wanted Sweetheart.
Ang Yahoo! OMG Awards ay ang unang purple carpet event na kumikilala sa mga pinaka-madalas i-search na celebrities at personalities sa Internet. Ang paraan ng pagpili ng mga nominado ay base sa kung gaano sila kadalas mag-trend sa Yahoo Philippines search engine.
Ang Yahoo! OMG Awards gala ay ginanap sa SM Mall of Asia Arena noong July 6 kung saan nagsilbing host ang mga Kapuso stars na sina Raymond Gutierrez, Solenn Heussaff, at Isabelle Daza. Umabot sa mahigit four million ang pumasok na boto ngayong taon.
Mapapakinggan abroad ang Barangay LS 97.1 sa pamamagitan ng iba’t ibang carriers ng GMA Pinoy TV, ang flagship international channel ng GMA Network.