Manila, Philippines - Tulad ng karakter niya bilang Andrea sa kanyang unang Kapamilya teleserye na Kahit Puso’y Masugatan, talaga namang may malaking puso rin ang aktres na si Iza Calzado at ngayong Sabado (July 14) kapakanan ng mga nakatatandang bakla sa Golden Gays ang itinitibok ng puso niya dahil ito ang napili niyang benepisyaryo ng kanyang mapapanalunan sa hit game show na Kapamilya, Deal or No Deal.
Susubukan nga ni Iza na makuha ang P2 milyon at makikipag-areglo kay Banker sa unang pagkakataon. Pinili ng mahusay na dramatic actress ang briefcase 11 dahil ito ang araw na pumanaw ang kanyang ama noong nakaraang taon. Naniniwala si Iza na mas magdadala ito sa kanya ng suwerte at mas malaking tsansa para makuha ang jackpot. Magtagumpay kaya siya? Si Iza na kaya ang pinakaunang milyonaryong tatanghalin sa edisyong ito?