MANILA, Philippines - Mas paiigtingin pa ng ABS-CBN ang pagpapatrol, pagbibigay ng serbisyo publiko, at pagmamatyag sa bayan sa mas pinalakas na hapon nito tuwing Sabado tampok ang SOCO, Failon Ngayon, at TV Patrol Weekend simula ngayong Hulyo 14.
Mapapanood na ng mas maraming Pilipino sa mas pinaagang timeslot na 4 p.m. ang paghahanap ni Gus Abelgas ng hustisya sa mga biktima ng krimen sa premier crime investigation program niyang SOCO: Scene of the Crime Operatives.
Ayon kay Gus, ang pagbabagong ito ay hindi lamang hahatak ng mas maraming manonood kundi mas maraming tao ring magmamalasakit, magmatyag, at makakaalam ng mga karahasang totoong nangyayari sa lipunan.
“Panahon na rin para maging parte sila ng peace and order campaign ng ating komunidad laban sa karahasan at krimen. Matututo ang ating mga manonod na maging responsible, magmatyag, at magsumbong ng mga insidenteng maaaring may alam sila. Hindi lang sila interesado sa programa kundi sa resolusyon ng mga kaso,” sabi ni Gus.
Para sa unang pagtatanghal nito, iimbestigahan ni Gus ang isang sektang itinayo ng lider na si Antonio Dumala Faelnar na nangakong siya ang sugo ng Diyos at nagtayo pa ng lugar sa Marikina na tinukoy niyang paraiso kung saan hihintayin niya at ng mga alagad ang pagdating ng Diyos.
Ngunit sa halip na kaligtasan ay tila nasadlak sa kapahamakan ang mga deboto ni ‘Chief’ na nakakatikim ng mga hagupit ng sinturon o yantok sa tuwing nilalapastangan daw nila ang kautusan ng sugo ng Diyos.
Bukod pa rito, panggagahasa rin ang inabot ng ilang biktima. Isa sa mga umanib sa Global Empire Government Covenant ni Chief ay ang pamilya ni ‘Mang Jess,’ isang tubong Mindanao na agad nakumbinsi ng mga alagad ni Chief para sumapi sa samahan.
Sa pagpatak naman ng 4:45 p.m., mapapanood ang pagsasapubliko at pagpapaliwanag ni Ted Failon sa mga isyung nakaka-apekto sa lipunan at taumbayan sa Failon Ngayon.
Ngayong Sabado, uusisain ni Ted ang pinapatayong Entertainment City Manila ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na umano’y maraming sabit.
Samantala, ihahatid naman nina Pinky Webb at Alvin Elchico sa TV Patrol Weekend, 5:30 p.m. ang pinakasariwa at pinakamakabuluhang mga balita para sa buong pamilya, mga isyung hindi napagtutuunan ng pansin ng pamahalaan, mahalagang impormasyon tungkol sa job openings, at pagbabantay sa karapatan at kapakanan ng mga consumer.