Maraming Pamilya sa Cagayan nagtitiis pa rin sa 'Tent Cities'

MANILA, Philippines - Pitong buwan matapos ang paghagupit ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro, muling bibisitahin ni Karen Davila ang siyudad kung saan siya mismo nagbalita noong Disyembre upang kamustahin ang kalagayan ng mga biktima ng bagyo at kung paano sila nakakaraos.

Ngayong Huwebes (July 12) sa Krusada pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN, makikitang ikinagulat ni Karen na daan-daang pamilya pa rin ang nagtiyatiyagang manirahan sa mga ‘tent cities’ dahil wala pa rin silang malipatang mga bahay.

Labis ang paghihirap ng mga nagsisiksikang residente sa init ng tag-araw at tuwing umuulan naman ay pinapasok ng tubig ang kanilang mga tent. Pinaghahatian pa ng 200 pamilya ang apat na palikuran.

Isa ang pamilya ni Ethel Sala sa mga nagtitiis sa isang ‘tent city.’ Nagkakasya silang mag-asawa at anim na anak sa iisang tent.

“Maibabalik sa normal ang buhay namin kapag meron na kaming bahay. Ang mga anak ko makakatulog na po sila ng mahimbing. Ngayon, lalo na po kapag umuulan, natatakot kami, gumigising, lumalabas. ‘Yun ang takot na binigay ng Sendong na hindi ko malilimutan,” ani Ethel.

Kahit na may higit 3,000 pabahay naman daw na ipinapatayo ang gobyerno at Habitat for Humanity, palakasan daw ang labanan sa pagpili ng mga benepisyaryo ng mga pabahay na ito. Gaano katotoo ang balitang ito? Paano pa makakaahon sa kanilang mga kalagayan ang mga biktiman nagtitiyaga sa tent city?

Show comments