PIK: Nagkausap pala sina Jackie Rice at Geoff Eigenmann tungkol sa isyung nagseselos daw si Carla Abellana sa mga maiinit na eksena nila sa Kasalanan Bang Ibigin Ka.
Sabi naman daw ni Geoff, hindi na raw pinapanood ni Carla ang mga ganung eksena pero aware raw ito sa mga ginagawa nila sa afternoon drama. Naintindihan naman daw ng aktres ang trabaho siyempre ng aktor. Pero para hindi na lang daw magselos, hindi na lang niya ito papanoorin.
“Hindi naman talaga dapat magselos si Carla. Carla Abellana na siya, maganda matalino, nasa kanya na lahat. Hindi siya papalitan ni Geoff,” natatawang pahayag ni Jackie.
Mabuti at kaagad naging kumportable siya kay Geoff kaya nagagawa nila ang mga maiinit na eksena nila sa Kasalanan Bang Ibigin Ka.
PAK: Iniiwasan talaga ni LJ Reyes ang mga intriga tungkol sa kanila ni Paulo Avelino. Hindi raw isyu sa kanya ang ‘di pagkabanggit sa kanya at sa anak nilang si Aki sa acceptance speech nito nang manalo siyang Best Actor sa Gawad Urian.
“Ako kasi, feeling ko dapat hindi na tinatanong ang mga bagay na ‘yan kasi what private is private. ‘Yun lang! Basta masaya kami! Masaya ang lahat!” tipid na pahayag ng aktres.
Mas pag-uukulan na lang daw ni LJ ng panahon ang pagbabago ng career niya dahil medyo pa-daring na siya sa mga proyektong ginagawa niya.
Ang latest nga, itong Intoy Syokoy ng Kalye Marino na entry nila sa New Breed category ng Cinemalaya Philippine Independent Festival. Na-challenge lang daw talaga siya sa karakter na ginampanan niya kaya pumayag itong mag-topless sa love scene nila ni JM de Guzman.
BOOM: Sunud-sunod na ang mga tribute na isinagawa para kay Mang Dolphy pagkatapos itong pumanaw kamakalawa ng gabi.
Kahapon ay nagpasa si Alfred Vargas ng resolusyon sa Quezon City na nagpupugay sa mga achievements at malaking kontribusyon ng Comedy King sa City of Stars na Quezon City at sa buong bansa.
Sabi nga ni Alfred, dapat ay matagal nang iginawad ang parangal bilang National Artist. Pero sa maliit na paraan ay iyun lang daw muna ang maibabahagi ng Quezon City sa yumaong Hari ng Komedya.
Ang latest na balita, sa Linggo na raw ang libing kay Mang Dolphy sa Heritage Memorial Park.