MANILA, Philippines - Ang cosplayer na si Myrtle Sarrosa ang iprinoklamang Teen Big Winner ng Pinoy Big Brother Teen Edition 4 sa BFF at the Big Night nung Sabado, (July 7) matapos makalap ang pinakamataas na porsiyento ng pinagsamang save at evict votes laban sa mga katunggaling Big Four housemates.
Kahit na siya ang nakakuha ng pinakamataas na porsiyento ng ‘vote to evict’ votes, nanguna pa rin ang 17 taong gulang na Cosplay Cutie ng Iloilo sa kanyang 33.92% na average net votes kontra kina Karen (11.91%), Roy (9.38%), at ang kambal na sina Jai at Joj (9.26%). Mag-uuwi si Myrtle ng P1 milyon, grand appliance showcase, gadget showcase, at Asian tour package.
Second Teen Big Placer naman si Karen ng Mindoro na wagi ng P500,000 at appliance showcase. Pinangalanang Third Big Placer si Roy, isang construction worker, habang Fourth Big Placer naman sina Joj at Jai na siyang unang kambal na nakapasok sa Big Four ng matagumpay na reality program. Nanalo sina Roy at Joj at Jai ng P500,000 at P300,000 at appliance showcase.
Nagbalik-tanaw ang BFF at the Big Night na ginanap sa Malolos Sports and Convention Center sa pagkakaibigan at samahang nabuo sa pinakasikat na bahay sa bansa sa pamamagitan ng pagtitipun-tipon ng dating PBB housemates na sina Kim Chiu, Gerald Anderson, Melai Cantiveros, Jason Francisco, Beauty Gonzalez, Yayo Aguila, Ryan Bang, at marami pang iba. Nagkaroon din ng espesyal na appearances ang Kapamilya celebrities na sina Iza Calzado, Kathryn Bernardo, Matteo Guidicelli, JM de Guzman, Jessy Mendiola, at PBB Unlimited Big Winner Slater Young.
Ang PBB Teen Edition 4 ang ikaapat na teen edition ng international TV franchise mula sa Endemol na tinutukan ng sambayanan dahil sa mga nakakaintrigang kaganapan sa pagitan ng mga mapupusok at emosyonal nitong housemates na nanatili sa PBB house sa loob ng 13 linggo. Nagsilbi ring host para sa edisyong ito ang aktor at dating PBB housemate na si John Prats kasama sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez, at Robi Domingo.
Ang Teen Big Winner na si Myrtle ang ikatlong top cosplayer sa bansa at pangulo ng Sangguniang Kabataan sa kanyang lugar.
Naging kontrobersiyal man dahil sa naging ugnayan nila ni Yves, kinilala si Myrtle bilang isang lider na may lakas ng loob at sa pagiging mapagkumbaba at mapang-unawa para sa pagtaguyod ng pagkakasundu-sundo ng kapwa housemates.