Mabuti na lang at may matagal ng GF si Mike Tan dahil sa inamin nitong kuripot siya at sa date nila ng GF, kung sino ang magyayayang lumabas siyang magbabayad. O, ‘di ba? Matatakot ang kababaihan sa sistemang sinusunod nina Mike at hindi malayong mag-KKB o Kanya-Kanyang Bayad din sila.
Maganda na ang kita ni Mike dahil sunud-sunod ang soap niya at isa siya sa mga bida ng Faithfully. May tf din ‘pag kasama sila sa mga regional show ng GMA 7, pero up to now, hindi pa rin nito pinapalitan ang Innova na napanalunan niya sa StarStruck 2, eh ang tagal na noon.
Iniisip na lang namin na nag-iipon siya para mabili ang dream car niyang Prado o Land Cruiser. Patawarin na rin natin ang kakuriputan dahil may two condo units pala itong hinuhulugan.
Young actor na hindi masyadong sikat, nagdedemand ng malaking bayad
Nag-uusap pa pala ang kampo ng young actor (YA) na gustong umalis sa network niya ngayon at management ng network na gusto niyang balikan. Nagkaka-problema lang daw dahil humihingi ng mataas na talent fee ang kampo ng aktor dahil mataas ang tf niya sa iiwang network.
Magtatapos pa lang ang kontrata ni YA sa iiwang network, pero ang tsika, as early as February, binitawan na siya ng network niya ngayon dahil maraming bagay na hindi pinagkakasunduan ng manager niya at ng management ng network.
Ang alam namin, may weekly show pa sana si YA habang naghihintay ng bagong soap, pero pinag-resign ito ng manager for reasons na hindi alam ng production staff ng show.
Atty. Joji walang pakialam sa mga namimintas sa anak
Biniro ng press si Atty. Joji Alonso sa presscon ng Posas, Oros at Requime!, mga pelikula sa 2012 Cinemalaya na nakikipagsabayan sa anak na si Nico Antonio dahil may pelikula na rin siya. Kasama siya sa cast ng Undo, pelikula nina Kris Aquino at Piolo Pascual sa Star Cinema. Gaganap siya bilang lawyer ng actor at sa Tuesday na ang shooting niya at nenenerbiyos dahil si Chito Ro?o ang director.
Pero sa Posas na launching movie ni Nico ang focus niya at ang nabanggit na dalawang pelikula na kanyang tinutulungan sa publisidad. Si Atty. Joji na rin ang sumagot sa mga batikos sa anak. Hindi raw alam nang mga namimintas na kinailangan nitong magbawas ng 35 lbs., para bumagay sa role ng snatcher na naging torture victim.
“Nagka-gout siya dahil puro protein ang kinakain at walang carbo at ‘yung torture scene, totohanan ‘yun. He called me up at kinuwentong muntik siyang malunod, muntik siyang mamatay. Saka, ano ba ang pakialam nila, pera ko naman ang ginastos ko,” sagot ni Atty. Joji na pinalakpakan ng press sa isyu na hindi naman bagay sa role si Nico.
Nilinaw din ni Atty. Joji ang tsismis na ayaw idirek ni Jeffrey Jeturian si Nico kaya si Lawrence Fajardo ang kinuha ng Quantum Films to direct Posas.
“Jeffrey is like a brother to me.I’m also his manager and I can dictate kung ano ang ididirek niya. Kapipirma lang niya ng contract sa ABS-CBN at may ginagawang soap, hindi siya pinayagang mag-leave ng Channel 2 and no choice kundi palitan siya.
“Pareho kami ng gusto ni Jeffrey na si Law ang kunin, we saw Amok at nagustuhan namin ‘yun,” paglilinaw ni Atty. Joji.
Ang sagot ni Nico sa pagtatanggol ng ina at sa paglu-launch sa kanya sa Posas ay “Salamat Atty. Joji sa perang ibinuhos mo sa movie.”
Sa July 21, sa Tanghalang Huseng Batute ng CCP ang unang screening ng pelikula.
Sayang at wala si Kristoffer Martin sa presscon na ipinatawag ni Atty. Joji para rin sa pelikulang Oros, kung saan, isa ang young actor sa mga bida kasama sina Tanya Gomez at Kristoffer King. Umaga na na-pack-up si Kristoffer sa first taping day niya ng Luna Blanca kaya hindi na nakahabol sa presscon.
Hindi narinig ni Kristoffer ang magagandang sinabi ni direk Pau Sta. Ana tungkol sa kanya. Sa Munting Heredera nakita ni direk Paul ang young actor at very promising daw ito, may presence at future matinee idol.
Sa July 23, 6:15 pm., ang Gala Night ng Oros sa Main Theater ng CCP, pero may screening na sa July 21, sa Trinoma at MKP Hall ng CCP.