Ito ang Katotohanan maririnig sa DZRH

MANILA, Philippines - Magsasanib-puwersa ang 2nd Infantry Jungle Fighter Division ng Philippine Army at ang pinakamalaking radio network sa bansa – ang Manila Broadcasting Company – upang isadula ng mga karanasan ng rebeldeng nagbalik na sa payapang sibilyang pamumuhay sa tulong ng militar. 

Nilagdaan ni Major General Eduardo del Rosario ng Hukbong Sandatahang ng Pilipinas ang isang memorandum of agreement sa MBC sa pangunguna ni Ruperto Nicdao, Jr, pangulo ng kumpanya, ang chief finance officer ng MBC na si Eduardo Cordova at si Atty. Rudolph Jularbal, bise presidente at OIC ng DZRH - flagship station ng MBC. Simula sa ika-7 ng Hulyo, isasahimpapawid ng DZRH ang Ito ang Katotohanan, isang 30-minute drama sa loob ng palatuntunang Abot-Kamay ni Bing Formento, pinuno ng defense press corps. Ito ay maririnig tuwing Sabado, alas- 9:30 ng gabi.                

Ilulunsad ang serye ng mga drama sa pagsasadula ng talambuhay nina Jennilyn Pizzaro Espinosa, alias Ka KC, at Eleonor Orgena, alias Ka Lyka – mga kabataang ni-recruit ng New People’s Army subalit nagbalik-loob na makaraang mahuli kasama ng nataguriang Morong 43.

Ang mga drama ay magmumula sa panulat at direksyon ng batikang Salvador Royales at itatampok ang mga kilalang radio talent ng DZRH.

Show comments