Christian kinarir ang halik kay Gretchen
Bagama’t ipagdiriwang ni Christian Bautista sa taong ito ang kanyang ika-10 taon sa showbiz na sa pagkanta halos nagugol, sa mga susunod na taon ay may malaking pagbabagong gusto niyang makita sa kanya. Bukod sa pagkanta ay gusto niyang maipakilala na rin bilang artista.
Ngayon pa lamang ay hindi lamang ang boses niya ang maririnig na kumakanta ng theme song ng Princess and I, may mahalaga rin siyang role sa sinusubaybayang serye ng ABS-CBN bilang isang lalaki na naging bahagi ng nakaraan ni Gretchen Barretto bilang Ashi Behati. Nagkaroon sila ng romansa in the past, katunayan, nakunan na ang kissing scene nila na kahit isang ordinaryong eksena na lamang ngayon sa mga pelikula at teleserye, ginawa itong big deal dahil nga kabagu-bago pa lamang umaarangkada ang singer sa kanyang pag-aartista ay bibigyan agad ng eskenang halikan, at si La Greta pa ang ka-kissing scene!
Isa lang naman ’yung normal na paglalapat ng mga labi. Hindi torrid pero hindi rin naman smack.
May magandang kasunod dito ang ginawa niyang stage musical, sa Singapore na The Kitchen Musical, napisil siya para gumanap sa isang palabas sa Cultural Center of the Philippines sa November, ang Rama Hari. At kung magkakasundo sila ng kumpanya ni Gov. ER Ejercito, gagampanan niya ang role ni Juan Luna sa El Presidente para sa Metro Manila Film Festival 2012.
Carl umaasa kay Kris
Hindi pala si Daniel Matsunaga kundi si Carl Guevara ’yung napapanood ko sa trailer ng Hindi Ka Na Mag-iisa ng GMA 7. Malaki ang pagkakahawig ng dalawa kaya nagtaka ako kung paanong ang bagong recruit ng TV5 at napapanood na sa game show nitong Game ’N Go ay may ipapalabas pang teleserye sa iniwan niyang kumpanya. May mistake, si Carl pala ’yun at hindi ang ex ni Heart Evangelista.
Speaking of the Bench model, inspired itong magtrabaho ngayon dahil kahit sinabi ni Kris Bernal na hindi nito priority ang kanyang love life ngayon ay hindi nito binasted ang panliligaw sa kanya ni Carl. Pinanghahawakan ng binata ang binitawang salita ng Hiram Na Puso star na kung sinuman ang mapipili niyang boyfriend ngayon ay permanente na at malamang makatuwang na niya sa buhay. Carl is hoping na siya na ’yun.
Jackie hindi pinagdamutan ni Michael
Unti-unti nang naipapakilala ni Jackie Rice ang kanyang sarili bilang isang mahusay at importanteng artista. Kung dati ay nagbibigay pa siya ng problema sa produksiyon, hindi na ngayon. Tutok talaga siya sa kanyang trabaho. Napatunayan niya na kung talagang seseryosohin niya ang kanyang pag-aartista, malayo ang maaabot niya.
Sa kanyang latest assignment sa GMA 7, ang Kasalanan Bang Ibigin Ka, no less than ang nagbabalik sa kanyang pag-aartista na si Michael de Mesa ang kapareha niya. Sa totoo lamang ay nerbiyos na nerbiyos si Jackie sa premyadong aktor.
Pero sa pagdaraan ng mga araw na magkasama silang nagtatrabaho, nakita niya na wala siyang dapat ikatakot dito. Ramdam niya ang pag-agapay nito sa kanya sa mga eksenang magkasama sila. Michael paves the way, kailangan lamang sumunod siya. “Hindi siya madamot. He guides me sa mga eksena, kailangan ko lamang sumunod. Hindi rin niya kailangang magsalita, sa mga kilos lamang niya, alam ko na kung ano ang dapat kong gawin. Nakaka-proud na makasama ang isang mahusay na artista na tulad niya,” sabi niya tungkol kay Michael.
- Latest