Tatlong araw ang dialysis kay Dolphy para magamot ang problema niya sa kidney.
Sinabi ni Eric Quizon na sa sobrang dami ng mga nagdarasal para sa tatay niya, naging maayos ang kalagayan nito.
Panoorin ninyo ang Startalk ngayong hapon dahil ihahatid namin sa inyo ang mga development sa kalagayan ni Mang Dolphy na naka-confine sa intensive care unit (ICU) ng Makati Medical Center.
Tinutukan ng Startalk staff ang lahat ng mga kaganapan sa ospital, pati ang mga artista at kamag-anak na dumadalaw kay Mang Dolphy.
Hinihintay ng mga tao ang pagsasalita ni Vandolph tungkol kay Mang Dolphy.
Sa mga anak ni Mang Dolphy na artista, si Vandolph ang isa sa mga hindi pa nagpapainterbyu.
Nagsalita na ang kanyang mga kapatid na sina Eric, Ronnie, Nicole, at Rolly.
May usap-usapan na nagiging emosyonal si Vandolph kapag napag-uusapan ang sitwasyon ng kanyang ama at naiintindihan ng mga reporter ang nararamdaman niya.
Hindi pa nasisilayan si Zsa Zsa Padilla ng mga reporter na nakabantay sa harap ng Makati Medical Center.
Hindi umaalis si Zsa Zsa sa tabi ni Mang Dolphy pero sumasagot siya sa mga phone call sa kanya ng mga tao na nangungumusta.
Naalaala ko tuloy si Lorna Tolentino noong may sakit si Rudy Fernandez.
Matagal na naka-confine si Daboy sa Cardinal Santos Medical Center pero kahit minsan, hindi umalis si LT sa kanyang tabi.
Nag-leave noon si LT bilang co-host namin sa Startalk at kahit malapit sa ospital ang bahay nila, hindi siya umuwi.
Puwedeng-puwedeng mag-report si LT sa Startalk dahil sandali lamang ito pero hindi niya ginawa. Talagang iniukol niya kay Rudy ang lahat ng kanyang panahon.
Ipinalabas uli ng ABS-CBN ang old interview ni Korina Sanchez kay Mang Dolphy noong 2010.
Sa nasabing interbyu, ikinuwento ni Mang Dolphy ang kanyang mga paghahanda sa future kaya makikita na talagang very organized siya na tao. Hindi nakapagtataka na naging King of Comedy siya dahil sa kanyang nakakabilib na foresight.
Important day...
Important day ngayon para sa mga residente ng Bacoor, Cavite dahil ngayon ang botohan para sa cityhood ng kanilang bayan.
Dati nang busy si Bacoor Mayor Strike Revilla pero lalo siyang naging abala dahil nga sa kampanya para sa referendum ngayon.
Kasama ni Mayor Strike sa pangangampanya ang kanyang hipag na si Congresswoman Lani Mercado, pamangkin na si Jolo Revilla at siyempre, ang kapatid niya, si Sen. Bong Revilla, Jr.
Naka-rehistro si Bong sa Bacoor kaya maaga ang pagboto niya ngayon para sa cityhood ng bayan na kinalakhan nila ng kanyang mga kapatid.
Nakasama rin ni Strike sa pangangampanya ang kanyang misis na si Chaye Cabal-Revilla, ang finance officer ni Papa Manny V. Pangilinan.
Bago pa siya naging asawa ni Mayor Strike, tumutulong na si Chaye sa mga teacher ng Bacoor sa pamamagitan ng Gabay Guro Foundation na siya ang chairman.