MANILA, Philippines - Anu-ano nga ba ang mga pambansang simbolo ng Pilipinas? Marahil ang sagot sa tanong kung ano ang pambansang hayop ay kalabaw, ang pambansang prutas naman ay mangga, at ang pambansang dahon ay anahaw, pero ang totoo, hindi pa pala mga lehitimong naideklara ng batas bilang pambansang simbolo ang mga bagay na ito. At totoo nga bang kasama na rito ang ating kinikilalang pambansang bayani – Si Dr. Jose Rizal?!
Mula elementarya hanggang kolehiyo, itinuturo na sa lahat na si Rizal ang opisyal na pambansang bayani pero ayon sa National Historical Commission of the Philippines of NHCP hindi pa ito naisasabatas.
Kaya ngayon sa bisperas ng kaarawan ni Rizal, aalamin ng I Juander sa pangunguna nina Susan Enriquez at Cesar Apolinario kung si Jose Rizal nga ba talaga ang dapat na ituring na National Hero ng Pilipinas! Sa isang social experiment, aalamin ang pulso ng masang Pinoy.
Ano kaya ang magiging reaksiyon ng marami sa usaping ito? May magpapabaril kaya sa Bagumbayan para lang ipagtanggol si Rizal?
Ano naman kaya ang reaksiyon ng grupong Knights of Rizal na maraming taon na ring kumikilala sa buhay at gawa ni Dr. Jose Rizal sa pagkakabatid sa katotohanang hindi pa deklarado ng batas na si Rizal nga ang pambansang bayani? May mga hakbang kaya silang pinaplanong gawin upang maisabatas ang pagiging pambansang bayani ng kanilang iniidolo?
Ang lahat ng mga tanong na ito sasagutin ng I Juander ngayong Lunes, ganap na alas-diyes ng gabi sa GMA News TV 11.