MANILA, Philippines - Magiging host ang celebrity couple na sina Brad Pitt at Angelina Jolie sa opening ceremonial party ng Olympics.
Inihahanda rin nila ang sarili nilang Olympic party na imbitado lang ang mga A-list guest.
Dadalo rin sina Princes William at Harry ng Britania sa Olympic-themed night sa museum-style extravaganza na hosted nina Brangelina.
Ang black-tie party ay bilang parangal sa boxing legend na si Muhammad Ali at mangangalap ng pondo para sa Sports for Peace Initiative at tampok ang isang campaign reception bago ang four-course banquet dinner. Ito ay idaraos dalawang araw bago ang opisyal na opening ceremony ng Olympics sa Victoria & Albert Museum sa London, UK.
Kapag natapos ang party, pinaplano nina Brangelina ang isang super exclusive after party sa kanilang mamahaling townhouse sa London.
Dadalo sa kanilang Olympic-themed party ang mga kilalang celebrity sa America at Great Britain. Binawalan naman ang mga imbitado sa pagkuha ng litrato sa pamamagitan ng kanilang cell phone.
Ang party na ito nina Brad at Angelina ay idaraos sa Hulyo 25 o dalawang araw bago ang opisyal na London 2012 opening ceremony ng Olympics. (AP)