MANILA, Philippines - Ipinagdiriwang sa buong mundo ang Fathers Day tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo. Siyempre ito ang araw na pinararangalan natin ang mga dakilang ama na nagmamahal sa atin at nagpapakasakit upang mabigyan tayo ng bahay na masisilungan, pagkain sa ating mesa, edukasyon, at mga damit at gamit.
Abangan sa Life and Style with Ricky Reyes ngayong Sabado alas-diyes hanggang alas-onse ng umaga ang parangal kina Daddy, Dad, Papa, Tatay, at Tatang. Unang panauhi’y ang dating batang actor na si Jiro Manio na naging ama sa edad na 14. Mahirap ang naging katayuan niya pero pinatunayan niyang kaya niyang gawin ang lahat para sa kanyang anak.
Mula sa India ay darayo ang kanyang Kabanalang Karmapa Trinley Thaye Dorje sa programa at magbibigay siya ng payo kung paanong ang isang ama’y magiging huwaran at ikinararangal ng kanyang mga anak.
Meron din tayong mapapanood na isang Jejemon Dad na para magkaroon ng bonding sa mga anak ay gaya-gaya sa pananamit ng mga ito, nakikipaglaro ng computer games sa kanila at sinasamahan ang kids sa mga fast food kung saan nakiki-french fries, burger, at spaghetti ang ama.
Magbibigay ng suhestiyon ang baklitang si Akira Lakwatsera kung ano ang maaari ninyong iregalo sa mga haligi ng tahanan sa kanyang dakilang araw. Mayroon ding pabango, mga damit, sapatos at iba pang gamit na yari ng Natasha sa halagang kayang-kaya ng bulsa.
Tiyak na papalakpakan ninyo si Atty. Erik Mallonga na umaampon ng mga batang itinapon na ng mga magulang at naging batang kalye. Itinuturing niyang kadugo ang mga bata na malaki ang pasasalamat, pagmamahal at paggalang sa kanya.
Produksiyon ng ScriptoVision ang LSWRR na napapanood sa GMA News TV.