MANILA, Philippines - Kinilala bilang Lifetime Distinguished Achievement Awardee ng University of the Philippines Alumni Association (UPAA) si GMA Network chairman at CEO Atty. Felipe L. Gozon.
Bilang chairman ng GMA Network simula noong 1975, pinangunahan ni Gozon ang pagbangon nito mula sa dating naluluging Republic Broadcasting System (RBS)-TV hanggang sa kilalaning nangungunang multimedia conglomerate sa bansa. At ang halos apat na dekada niyang pagsisilbi bilang isa sa mga pinuno ng Philippine broadcast ay nakatulong sa paghulma ng kasaysayan at demokrasya sa Pilipinas.
Mapapasama ang nasabing UPAA award sa listahan ng mga pagkilalang una nang natanggap ni Gozon.
Kabilang sa mga ito ang prestihiyosong Chief Justice Special Award mula sa Chief Justice of the Philippines (1991), ang Presidential Award of Merit mula sa Philippine Bar Association (1990 & 1993), CEO of the Year Award mula sa Uno Magazine (2004), People of the Year Award ng People Asia Magazine (2005), at Tycoon of the Decade Award ng Biz News Asia (2011).
Unang kinilala ng UPAA si Gozon bilang Outstanding Professional Awardee sa Mass Communication noong 2003.
Hawak ni Gozon ang Bachelor of Laws degree mula sa UP (1962) at Master of Laws degree mula sa Yale University (1965).