May importanteng announcement si Phillip Salvador this week, hindi nagbigay ng clue kung ano ito, basta importante. Tama kaya ang iniisip namin na tungkol sa muling pagpasok sa pulitika ng aktor ang kanyang ipahahayag?
Sa presscon ng Makapiling Kang Muli, kinumusta kay Phillip ang plano niyang muling pagtakbo sa darating na election at “Yeah, but I will let you know my final decision” ang sagot nito.
Malalaman natin kung anong posisyon at kung saang lugar siya tatakbo.
Samantala, hindi pa lumalabas ang karakter ni Phillip sa Makapiling Kang Muli at very dark ang role niya. Si Al Pacino sa Scarface pa nga ang peg ni Ipe. Imo-mold niya si Richard Gutierrez na maging kasing bad niya rito.
Malaki ang tiwala ni Phillip kay Richard bilang aktor. Sabi nito: “Nakikita ko sa mga mata niya, malalim at may ilalabas pa. Nakikita ko mga mata ni Eddie (Gutierrez) sa mga mata ni Richard.”
Ipinaalala ni Phillip sa press na there was a time na walang naniwalang lalabas na magaling na aktor si Eddie, until manalo ito ng best supporting actor award sa movie na pinagbidahan ni Phillip.
Herbert balik-horror
May teaser na ang Pridyider ng Regal Entertainment, Inc. pero si Andi Eigenmann pa lang ang ipinapakita. May fear factor agad ang movie kahit nagbukas lang ng ref ang aktres at tumambad ang laman ng ref.
Puwede palang ibalik kay Janice de Belen ang title na Horror Queen dahil puro horror ang mga pelikula nito this year. Bukod sa Pridyider, kasama rin ang aktres sa The Healing ng Star Cinema na baka magkasunod ang playdate.
Kasama rin si Janice sa cast ng Shake, Rattle & Roll 14 at tama ba ang tsikang join din sa cast si Quezon City Mayor Herbert Bautista? Kung totoo ito, balik-Shake… lang si Kyusi Mayor dahil bida siya sa Manananggal episode ng unang-unang Shake, Rattle & Roll.
Mike Tan walang pakialam kahit supporting lang
Ayaw paapekto ni Mike Tan sa kantyaw ng press na support lang siya ni Marc Abaya sa Faithfully dahil ang singer-actor ang talagang leading man at pinag-aagawan nga ng apat na babae sa story. Ayos lang kay Mike kung supporting siya, ang importante, maka-deliver siya ng gusto ni Direk Mike Tuviera.
Hindi rin isyu kay Mike na ibinalik siya sa afternoon soap after magpakita ng husay sa Legacy. Ayaw niyang mamili ng trabaho lalo’t wala siyang karapatang mamili.
May hinuhulugang condo unit sa Ortigas at Manila si Mike at ’pag nakabayad siya, baka kumuha siya ng condo sa may Quezon City, malapit sa GMA7. Ayaw niya munang bumili ng car hangga’t nagagamit pa ang Innova na napanalunan pa niya sa StarStruck 2.
Kung may magtitiwalang movie producer, gusto uli ni Mike gumawa ng movie. Manay Po 2 pa ang last movie niya na ’di na matandaan kung anong year.
Agot hindi na kayang magpuyat
Ibinigay ng GMA 7 ang request na 2:00 a.m. cut-off ni Agot Isidro sa taping ng One True Love, kaya nagpasalamat ang aktres. Hindi na niya kayang magpuyat ng sobra dahil 46 years old na siya sa July 20. Maaga rin naman ang call time ni Direk Andoy Ranay, maraming nakukunang eksena hanggang sa cut-off ni Agot.