Marc Abaya pinagsesepilyo muna bago makipag-kissing scene

Napakasuwerte ni Marc Abaya dahil isang napakagandang role ng ipinagkaloob sa kanya ng GMA 7 sa bago nitong teleserye sa hapon na pinamagatang Faithfully at magsisimulang mapapanood sa June 18 kapalit ng magtatapos ng Broken Vow. Gagampanan niya ang role ni Kevin Quillamor, boyfriend ni Dina Carvajal (Vaness del Moral), at pag-aagawan ng tatlo pang kaibigan nito na sina Stella Quillanorn (Maxene Magalona), Luchie Trajano (Michelle Madrigal), at Mischa Villar (Isabella Daza). Mabibisto ni Kevin ang pagtataksil ni Dina, mababaling ang pagtingin nito kay Stella at pakakasalan niya ito sa kabila ng pagtutol ng kanyang ina (Chanda Romero).

Mula sa pagko-comedy sa kanyang mga naunang projects, drama naman ang sasabakan ni Marc sa Faithfully. Sinabi niyang parehong mahirap ang dalawang genre, sa comedy ay kailangan ng timing pero sa drama ay kailangang may pag­hugutan siya. Sinabi niya na binabalikan niya ang mga pinagdaanan niya, marami ang mga ito na nakalimutan na niya para makatulong sa kanyang performance.

“Our director, Mike Tuviera, is a good leader. Kahit nag-workshop ako ay inaalalayan pa rin niya ako. I put all my trust in him. Isa sa mga payo ng nanay ko ay sundin lahat ng sinasabi ng direktor ko.

“Nakaka-pressure ’yung role na pinag-aagawan ka ng apat na babae pero I won’t let GMA down,” sabi ng single and 33-year-old actor na bokalista ng isang banda.

For a while, matapos ang huli niyang teleserye na Daldalita ay nagpahinga siya sumandali sa pag-aartista at gumawa ng album with his Kjwan band. Tumaba rin siya ng konti kaya conscious na conscious sa kanyang kalusugan. He tries to survive on raw and boiled saba para mabawasan ang timbang niya. Hindi naman siya nahihirapan dahil lahat silang artista ng Faithfully ay nagda-diet. So far, nakabawas na siya ng timbang.

May kissing scene siya sa serye with Maxene, before and after takes, nagri-report siya sa mother nitong si Pia Arroyo-Magalona na manager din niya and she tells him to brush his teeth first bago siya sumabak sa mga kissing scenes niya.

When he was in his early 20s, nag-girlfriend siya ng tatlo ng sabay-sabay. Pinagsisihan niya ’yun dahil nakasakit siya ng tao. Ayaw pa niyang mag-asawa pero gusto niyang magkaanak. May problema siya dahil hindi papayag ang girlfriend niya sa ganitong arrangement. Hindi naman siya puwedeng mag-anak sa iba dahil takot siya sa kanyang girlfriend na nagpapanggap lang daw na under niya pero sa totoo lang ay siya ang under nito.

Kahit gustung-gusto niyang lumabas sa Party Pilipinas, Sundays and all his weekends are for his mom. Isa sa mga reasons why he stays single ay dahil feeling niya ay humahaba ang buhay ng mom niya habang hinihintay ang kanyang paglagay sa tahimik.

Timmy kumakanta para sa diabetics

Isa si Timmy Cruz sa mga masusuwerteng artista na hindi nakakontrata sa alinmang network. Freelancer siya kaya kapag libre sa oras ay tumatanggap siya ng mga projects from both GMA 7 and ABS-CBN. Sa TV5 na lang siya hindi pa nakakalabas. Nakakadalawang magkasunod na projects na siya sa Kapuso Network, una ang Daldalita at ngayon naman ang Faithfully. Bago ito ay napanood siya sa Kapitan Inggo at Precious Hearts Presents ng Kapamilya naman.

Sa Faithfully, gumaganap siya bilang ina ni Maxene Magalona. Siya ang tipo ng ina na ibibigay ang lahat sa kanyang anak. Itinakwil siya ng kanyang mga magulang. Hanggang sa kanilang pagpanaw ay hindi siya pinatawad pero lahat ng kayamanan nila ay iniwan nila sa kanilang apo, kay Maxene. Kaya yumaman ang mag-ina.

Bukod sa kanyang pag-aartista ay aktibo pa rin si Timmy sa kanyang pagkanta. Sa kasalukuyan ay nagdaraos siya ng isang nationwide concert para sa isang pharmaceutical company na gumagawa ng supplements para sa mga diabetics. Ang mga nanonood sa kanya sa mga ginagawa niyang concerts ay mga doktor at medical practitioners. Tinanggap niya ang trabahong ito bilang pag-alaala sa kanyang ina na namatay nung nakaraaang taon sa sakit na diabetes. Kagagaling lang niya sa Zambales, Cebu, Davao, at Iloilo. May 10 events pa siya na gagawin bago matapos ang 2012.

May ginagawa ring album si Timmy na siya ang nagko-compose ng lahat ng kanta na ilalagay dito. May 20 melodies na siyang nagagawa na bibigyan na lamang ng lyrics. Dahil hindi naman tumutugtog ng kahit anong musical instruments, meron siyang guitarist na siyang nagbibigay ng nota sa mga melody na naiisip niya.

“Ito ang challenge ko sa sarili ko. Kapag andun na ako sa mga lugar na pinupuntahan ko, sa mga resorts at nagsu-swimming na ako, at bigla ay may pumasok sa isip ko na isang magandang melodiya, hindi ko ito sinasabi, kinakanta ko. Agad tinatawagan ko ang gitarista ko para bigyang hugis ito sa pamamagitan ng mga nota. Most of the melodies are based on feelings,” sabi ng singer na pumayag makita ang napakaganda niyang bahay sa Tagaytay para na rin sa promo ng kanyang pinakabagong teleserye.

Show comments