Giit ng Presidente at CEO ng GMA 'Hindi talaga for sale ang GMA 7'

Hindi talaga seryoso ang nagaganap na usapan sa pagitan ng GMA 7 at ang may-ari ng TV5 na si Mr. Manny Pangilinan. Ito ang malinaw na sinabi ni Mr. Felipe Gozon, CEO at Presidente ng GMA 7 tungkol sa walang kamata­yang isyu na malapit na malapit na ang bilihan at sa November ay inaabangan na ang merger ng dalawang network.

Ayon pa kay Mr. Gozon na nakipag-tsikahan sa ilang entertainment editors and columnists kahapon, nagsimula ang nasabing usapan noon pang 2002 nang magkapirmahan sila ng memorandum of agreement sa pagitan ng kumpanya ni MVP na Media Quest na hindi nga natuloy sa pag-urong ng kumpanya ni Pangilinan.

Pero kamakailan lang umugong na magkakatuluyan na nga ang bilihan. At ang sinasabing P50 billion at P100 billion ay biro lang nang sabihin niya noon pero naging malaking isyu na. At ang napansin ni Mr. Gozon simula nang umiinit ang isyu ng bilihan, tumaas ang shares ng bentahan sa market ng GMA.

Inulit din ni Mr. Gozon na hindi sila for sale, pero kung may darating na malaking offer na ang kikitain nila sa loob ng limang taon ay ibibigay na sa kanila. “For the sake of argument. Kung ibibigay na sa ‘yo ang kikitain mo ng five years, bakit naman hindi mo pa ibebenta. Besides, I’m not getting any younger,” sabi ni Mr. Gozon na hindi ko pala natanong kung totoong sumailalim na siya sa stem cell procedure kaya parang mas sumigla.

Sinasabi naman niya na nag-uusap sila ng Pangilinan pero hindi pa nga sila dumarating sa puntong meron nang halaga ang usapan. Meron silang hinihintay na offer pero ayaw niyang sabihin kahapon dahil baka raw mas malaki pa ang i-offer ng kampo ni Pangilinan kesa sa sasabihin niya.

More than 70% ng GMA ang pag-aari ng tatlong pamilya – kasama ang kanyang pamilya at ang remaining 20 something percent, ay public share .

Samantala, all out ang ginagawa ng GMA 7 para mas palakasin pa ang kanilang mga prog­rama. Aminado kasi si Mr. Gozon na hindi pa nila nabi-break ang habit ng mga taga-Visayas and Mindanao pagdating sa mga programang pinapanood ng mga ito kaya hindi gaanong nakakaalagwa ang mga programa nila sa mga nasabing probinsiya. “Aminado ako na talo kasi sa NUTAM (nationwide). Mahirap buwagin ang sa Visayas at Mindanao.

“’Yung Walang Hanggan, maganda naman talaga. Kaya ang ginagawa namin every week ‘yung mga walang taping nagpupunta sila sa probinsiya. Magaganda ang mga programa namin kailangan lang nilang malaman,” sabi ni Mr. Gozon.

Samantala, imbes na sumama ang loob sa dating executive nila na si Ms. Wilma Galvante na siya ngayong front sa bagong artista search ng TV5, sinabi ng presidente ng Kapuso network na sana ay noon pa ito ginawa ng TV5 para hindi na sila nag-pirate nang nag-pirate ng mga artista.

Nagpaalam naman daw sa kanya ang dati niyang executive.

Samantala, isa sa mga bagong programa ng GMA ang Love.Life na si Jinkee Pacquiao ang host.

Show comments