PIK: Proud si Ogie Alcasid sa pelikula niyang Boy Pick-Up: The Movie dahil maganda ang takbo sa takilya at maganda rin ang feedback.
May mga ilang ’di magagandang komento siyang naririnig at tanggap naman niya.
Pero proud ang singer-songwriter-actor dahil nabuo nila ang pelikula na malayo sa napapanood sa Bubble Gang. At least, nabuo nila ang istorya at nailahad ng buo ang kuwento ni Boy Pick-Up.
Pagkatapos ng Boy Pick-Up, panibagong challenge naman ito ngayon kay Ogie ang gagampanan niya sa My Daddy Dearest na kung saan gaganap siya bilang mommy ng kanyang anak.
Medyo hirap ang ginagawa niya pero gusto niya dapat napaka-challenging nito sa kanya bilang aktor.
Mamaya na magsisimula ang My Daddy Dearest bago mag-24 Oras.
PAK: Mukhang tuloy na nga ang isang series ng TV5 na pagsasamahan nina BB Gandanghari at Zoren Legaspi.
Isang fantasy ito na malapit na nilang simulan. Ngayon araw na nga ang story conference at marami ang curious kung ano ang kuwento at kung love interest ba ni BB rito si Zoren.
BOOM: Mukhang matagal pa itong pag-uusapan ang nakaraang laban nina Rep. Manny Pacquiao at Timothy Bradley dahil sa pagkatalo niya ng WBO Welterweight belt. Ito pa rin ang trending sa Twitter at ilang social network sites at kung anu-anong opinyon ang naglalabasan.
Isa na rito ang komento ng mga beki na ang iba ang pumusta kay Bradley. Kaya huwag na huwag na kalabanin ang mga kabadingan at tiyak na mamalasin.
Pero talagang maipupuri mo si Pacquiao dahil kahit mabigat sa kanya na tanggapin ang pagkatalo, pawang papuri sa Diyos ang mga sinabi niya. Kaya nakikita mo talagang ganun kalalim ang relasyon niya sa ating Panginoon at naging humble siya sa pagtanggap nang pagkatalo.
Diyan pa rin natin maipagmamalaki ang ating Pambansang Kamao.