Kumalat last Friday na pelikulang pagsasamahan nina Joey de Leon at Eugene Domingo ang entry ng Star Cinema sa 2012 Metro Manila Film Festival. Tuhog daw ang magiging title ng pelikula ng dalawa.
Kung matuloy ang Tuhog nina Joey at Eugene, ibig sabihin wala na ang pelikulang pagsasamahan nina Kris Aquino, Vice Ganda, at AiAi delas Alas.
Marian nagpa-picture na walang underwear?
Wedding scene nina Dingdong Dantes at Marian Rivera bilang sina Benjie at Sharina sa My Beloved ang binisita namin sa isang simbahan sa Sta. Ana, Manila. Malaking paghahanda ang nadatnan, kaya hindi na namin tsinika ang sleep deprived director na si Dominic Zapata na direktor din ng Luna Blanca.
’Katuwa si Marian dahil nang hanapin ng press si Dingdong, “borlog” daw sa van niya. Umaga pa sila nagti-taping and in between takes, umiidlip ang aktor. Ayaw magkuwento ng ending ng My Beloved ang aktres, panoorin na lang daw hanggang sa June 8 dahil marami pang sorpresa.
Samantala, ipinakita sa amin ni Marian ang ilang pictorial niya for Rouge magazine na sobra sa kaseksihan. May mga litratong mukhang wala siyang underwear, pero may panty at bra siya at pare-parehong gusto ang press na pinakamaganda ’yung backless siya na abot na yata sa may buttocks. Hindi pa alam ni Marian kung alin sa mga pictures na ipinakita ang ginamit sa cover.
Ayaw palang kumpirmahin nina Marian at Dingdong ang tsikang magsa-side trip sila sa Barcelona, Spain after ng show nila sa Canada para bisitahin ang ama ng aktres.
Dennis ayaw matatakang ladies man
Premiere night ng Boy Pick-Up: The Movie this Sunday at nabanggit ni Dennis Trillo na baka isama niya sa SM Megamall ang anak na si Calyx na alam niyang mag-i-enjoy sa pelikula. ’Wag din tayong magulat kung dumating si Bianca King na panay ang promote sa Twitter na June 6 na ang showing ng movie.
Dalawa ang karakter ni Dennis sa movie bilang sina Gabby at Bagwis, mabait siya sa simula pero naging masama dahil kay Boy Pick-Up. Dream role raw niya ito, ibig sabihin, maganda ang papel niya sa Regal Entertainment, Inc. at GMA Films movie.
Ladies man ang image ni Dennis, komportable ba siya rito?
“Nagkataon lang na karamihan ng nakarelasyon ko from showbiz. Ganun talaga ang buhay, kung papipiliin ako, ayaw kong tumatak sa tao na ladies man ako, kundi isang good actor.”
Paglipat ni Gina Alajar sa TV5 hindi na tuloy
Balitang hindi na tinanggap ni Gina Alajar ang offer ng TV5 na maging resident director at maging part ng Talent Development ng network kasama si Direk Mac Alejandre.
Nang huli naming makausap si Direk Gina, naguguluhan pa rin siya sa offer ng TV5 pero kung matutuloy, ang teleseryeng Yaya Maria ang ididirehe niya.
Kung totoong isa siya sa mga mentors ng Protégé: The Battle for the Big Artista Search, hindi na nga siya pipirma ng kontrata sa TV5.