ABS-CBN, nagbigay pugay kay radio master
MANILA, Philippines - Inalala ang namayapang radio pioneer at dating ABS-CBN executive na si Lito Balquierda Jr. ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at dating mga katrabaho bilang isang mahigpit ngunit mapagbigay na guro, boss, at tatay na may pusong tumulong sa kapwa sa necrological service na ginanap sa Dolphy Theater noong Mayo 22.
“Katangi-tangi ang dedikasyon niya sa lahat ng bagay na kanyang ginawa. Parating marami siyang hiningi mula sa kanyang sarili at sa kanyang mga tao,” sabi ni Freddie M. Garcia, dating ABS-CBN executive at Pilipinas Got Talent judge.
Binansagang ‘LBJ’ at kinilala bilang Radio Master sa larangan ng broadcasting, si Lito ang namahala ng DZMM at DWRR 101.9 matapos muling magsahimpapawid ang mga ito noong 1986. Siya rin ay naging head ng ABS-CBN Radio and Provincial Division at nasa likod ng public service programs ng DZMM na Maligayang Paslit at Oplan MM.
Tinawag ng beteranong mamamahayag na si ‘Kabayan’ Noli de Castro si Lito bilang numero uno niyang kritiko na tahasang pinupuna ang kanyang mga ulat at komentaryo, habang inilarawan naman ni Rep. Angelo Palmones, ang dating station manager ng DZMM, si Lito bilang masayahin, isang mabuting tagapakinig, at magaling na pinunong sinisiguradong walang maiiwang dehado sa kanyang mga tauhan.
Ayon naman kay Peter Musngi, ang head ng Manila Radio Division, si Lito ay isang “mentor at tormentor” na kung minsa’y malambing ngunit talagang mahigpit pagdating sa trabaho. Isang malaking inspirasyon, makabayan, at mapagbiro naman ang tingin sa kanya ng dating ABS-CBN executive na si Maloli Espinosa.
Ayon naman sa DZMM anchor na si Korina Sanchez, “Ang lahat ng ginagawa namin ngayon sa DZMM ay pagpapatuloy ng lahat ng ipinundar at pinaghirapan ni LBJ. Bilang tao naman, ang iniwan sa akin ni LBJ ay ang kakayahang makipag-kapwa tao at pag-aalaga ng relasyon sa kaibigang tunay,” ani Korina.
- Latest