Hindi masyadong napaghandaan ni Janine Gutierrez ang kanyang pag-aartista.
Nung bata pa siya ay wala siyang naramdamang urge na mag-artista at sundan ang bakas ng kanyang mga kamag-anak na binubuo ng kanyang mga grandparents na sina Nora Aunor, Pilita Corrales, Eddie Gutierrez, mga magulang na sina Lotlot de Leon at Ramon Christopher, mga tiyuhin, tiyahin, at pinsan na kung iisa-isahin ay bubuo ng isang napakahabang listahan. Nitong makatapos na lamang siya ng kanyang pag-aaral ng European Studies sa Ateneo at saka siya nakaramdam ng pagkagusto sa pag-aartista.
Masuwerte ang GMA 7 dahil dito siya pumirma ng kontrata at sa loob ng tatlong taon ay ibi-build up nila siya para maging isang artista sa tradisyon ng mga nauna at sumikat niyang kamag-anak.
“Sa GMA ako pumunta dahil nasa high school pa lamang ako ay tinatanong na nila ako kung gusto kong mag-artista,” imporma niya.
Hindi mo aakalain na 22 years old na si Janine, panganay sa tatlong magkakapatid.
Pagdating sa showbiz, wala pa siyang kaalam-alam. Kaya ang kanyang inang si Lotlot ang nag-aalaga at tumatayong business manager niya. Gayung mahirap din ang pinagdaanan nito bago kinilala ang kanyang husay bilang isang artista, with her to guide Janine, mas mapapanatag ang kalooban ng ama at lola ni Janine sa kanyang pagtahak sa bago niyang mundo.
Hindi sagabal sa pag-aartista ni Janine ang pangyayaring bata pa siya nang maghiwalay ang kanyang mga magulang. At hindi ito naging dahilan para hindi sila lumaking normal na magkakapatid. Madali silang nakapag-adjust sa sitwasyon.
Kahit naman magkahiwalay, nag-uusap ang mga ito lalo’t may kinalaman sa kanilang magkakapatid.
Matapos siyang mapanood briefly sa My Beloved, mayroon siyang mahaba at importanteng role sa bagong teleserye ng GMA7 na magsisismula sa June 4, Lunes, makatapos ang Luna Blanca. Pinamagatang Makapiling Kang Muli, gagampanan niya ang role ng kapatid ni Mark Anthony Fernandez at magkakaroon siya ng ka-loveteam in the person of Benedict Campos. When asked kung magkakaroon ba siya ng kissing scene sa kanyang makakapareha sinabi niyang “Wala siguro, baka hindi pumayag ang mama ko (Lotlot). Baka siguro kapag nagbida na ako.”
Hindi lamang naman sa kissing scenes hindi pa nakahanda ang apo ni Nora Aunor. Hindi rin siya handang pumalaot sa pagsali sa mga beauty contest na pinaniniwalaan ng marami na bagay sa kanya dahil bukod sa maganda at may height, kaya niyang mairaos ng madali ‘yung Q&A na kung saan madalas sumasalto ang maraming beauty contestants. Bukod sa maituturing siyang matalino, matatas siya sa lengwahe ni Uncle Sam dahil lumaki siyang nakapagsasalita sa Ingles, Tagalog at nakakaintindi ng Spanish at Bisaya courtesy of her Mamita (Pilita) na nagsisilbing stage lola niya.
“Hindi ko hilig sumali sa mga beauty contests.
Mas gusto kong magconcentrate sa aking pag-aartista,” sabi niya.
Bestfriend Bong and Jinggoy, kanya-kanya muna
Bago ang ginawang paghatol kay CJ Renato Corona, nalagay ang pangalan ni Sen. Bong Revilla sa grupo ng mga posibleng bumoto para sa acquittal ng former CJ. Sa rami ng mga pumabor para matanggal ang nasasakdal sa kanyang posisyon, parang suicide sa panig ng senator/actor na pumanig dito, lalo’t lumabas na ang balitang tatakbo siya sa pinakamataas na posisyon sa bansa sa mga darating na panahon. Nakahinga ng malalim ang mga supporters niya nang bigyan niya ng guilty vote ang nasasakdal at maging isa sa 20 na senador na hindi binigo ang maraming umasam sa pagkakatanggal sa Chief Justice kontra sa tatlong pumanig dito.
Samantala, mukhang maghihiwalay sila ng landas ng kanyang BFF na si Sen. Jinggoy Estrada na nagbabalak tumakbo bilang bise presidente ni Jejomar Binay sa darating na eleksiyon. Gusto man niyang makasama si Bong, hindi maaari dahil magkaiba sila ng political affiliation, magkaiba ng partido.