Naging gobernador at senador na, Lito Lapid hindi nag-effort mag-aral pagkatapos ng high school para madagdagan ang kaalaman

Sa totoo lang, nagtataka ako kay Senator Lito Lapid dahil sa kanyang madalas sabihin na high school graduate lamang siya.

Inulit na naman ni Lito ang pagiging high school graduate nang iboto niya na guilty si Chief Justice Renato Corona sa last day ng impeachment trial noong Martes.

 Paghanga kay Lito ang initial reaction ng publiko dahil hindi niya ikinahiya na high school graduate siya pero pagkatapos ng kanyang speech, nagsimula nang mag-isip ang mga tao.

 Naging gobernador ng Pampanga at senador si Lito. Sa rami ng mga posisyon na kanyang hinawakan, hindi siya gumawa ng paraan na makapag-aral para nadagdagan ang kaalaman niya?

Hindi ko tuloy mapigilan na i-compare si Lito kay Manila City Vice-Mayor Isko Moreno na dating basurero pero nagsikap na makapag-aral,

Nag-aral si Isko sa isang college school at nag--enroll sa Leadership in Crisis na short course sa John F. Kennedy School of Government  sa Harvard.

Ang ibig kong sabihin, gumawa ng paraan si Isko na makaahon at matuto. Kung makikita ninyo ngayon si Isko, ang husay-husay na niya na magsalita at napakalawak na ng kanyang kaalaman  tungkol sa maraming bagay.

Hindi mo iisipin na basurero siya noong araw.

Bukod kay Isko, good example din si QC Councilor Alfred Vargas na naturingan na graduate ng Ateneo de Manila University pero nag-aaral pa rin hanggang ngayon dahil sa kagustuhan niya na madagdagan ang kaalaman sa mundo ng pulitika na kanyang pinasok.

Gustung-gusto ko rin ang lifestyle ni Alfred at ng kanyang misis na si Yasmine dahil wala silang maid na kasama sa bahay.

Si Yasmine ang naglalaba ng kanilang mga damit, naglilinis ng bahay, at nagluluto. Ginagawa niya ang mga household chores kapag natutulog ang dalawang anak nila ni Alfred.

Sanay na sanay si Yasmine sa mga gawaing bahay dahil walang kasambahay ang pamilya nila sa Italy.

Tinalbugan pa nga ni Yasmine ang claim ni CJ Corona na wala silang maid sa bahay nila ni Madame Cristina. Ang pagkakaiba lang, may aircon ang bahay nina Alfred at Yasmine, kontra sa pasabog ni CJ Corona na hindi sila gumagamit ng aircon sa kanilang taha­nan.

Asawa ni TJ manganganak na

Malapit nang manganak ang asawa ni TJ Trinidad at ayon sa ultra sound, baby boy ang kanilang magiging panganay.

Excited na excited na si TJ na makita ang kanyang baby boy at hindi naitago ang happiness niya sa presscon ng Makapiling Kang Muli, ang primetime show ng GMA 7 na magsisimula sa June 4.

Maganda ang role ni TJ sa teleserye na pinagbibidahan ni Richard Gutierrez dahil siya ang magiging asawa ni Carla Abellana.

Hindi predictable ang kuwento ng Makita Kang Muli dahil sa mga conflict ng mga karakter.

Ang teleserye ni Richard  ang isa sa mga biggest project ng Kapuso dahil mga bigatin na artista ang kasali. Magastos ang taping ng Makita Kang Muli dahil kinunan ang mga eksena nito sa malalayong lugar pero walang reklamo mula sa mga artista alang-alang sa ikagaganda ng kanilang TV show.

Teleserye rin ang katatapos na impeachment trial dahil tumagal din  ng apat na buwan at sinubaybayan ng sambayanang Pilipino.

Halos anim na milyong piso ang ginamit sa impeachment trial na live na napanood sa TV.

Noong kainitan ng hearing, may mga nagpahayag ng pagkairita dahil nasasawa raw sila sa panonood at balitaktakan ng mga starring sa impeachment trial. Nang mag-goodbye ang trial noong Martes, may mga nag-dialogue na mami-miss nila ang mga kaganapan sa impeachment court. Ganyan ang ugali ng ilan sa mga kababayan natin. Mga sala sila sa init, sala sa lamig.

Show comments