Pagsasanib-puwersa ng dalawang TV networks kasado na!

Kalat na kalat na ang balita na magsasanib-puwersa ang dalawang television networks pero tikom pa ang bibig ng mga kinauukulan.

Noon ko pa narinig ang balita na hindi mamatay-matay kaya nagduda ako na baka may bahid ng katotohanan ang mga tsismis.

Maghintay tayo ng anim na buwan para sa tum­pak na kasagutan tungkol sa diumano’y pagsasanib­puwersa ng mga TV networks na magpapabago sa takbo ng television industry.

Tilian ng fans ng Down to Mars nakakabingi

Parang nabingi ako nang umapir ako kahapon sa presscon ng Down to Mars dahil sa fans na halos lumawit ang mga dila sa sobrang pagtili.

Kung makatili ang fans, tila wala ng bukas dahil bigay-todo sila sa pag-cheer sa grupo ng mga young singers na mas mukhang mga Korean kesa Pinoy.

Na-realize ko tuloy na sikat na nga ang Down to Mars dahil sa kanilang mga tagahanga na tuwang-tuwa dahil may record album na ang boy band na sinusuportahan nila.

Take note, successful ang album launch ng Down to Mars dahil bukod sa presence ng fans na naghihiyawan, sinuportahan din sila ng mga bossing ng GMA 7 dahil love nila si Geleen Eugenio, ang manager ng grupo.

Rufa Mae Kapuso pa rin

Nakita ko sa album launch ng Down to Mars si Marivin Arayata, ang executive ng GMA 7 na in charge sa mga comedy shows ng Kapuso Network.

Malayo ang puwesto ni Marivin mula sa kinauupuan ko kaya hindi ko siya natanong tungkol sa status ni Rufa Mae Quinto sa Bubble Gang.

Sinasabi kasi ni Rufa Mae na pinayagan siya ng GMA 7 management na umapir bilang co-host ni Willie Revillame sa Wiltime Bigtime pero mapapanood pa rin siya sa Bubble Gang.

Sa pagkakaalam ko, pinayagan si Rufa Mae na maging guest co-host pero hindi bilang regular co-host ni Willie kaya gusto kong malaman ang reaksiyon ng Kapuso Network.

Richard nag-ala Tom Cruise sa Top Gun

Ang guwapu-guwapo ni Richard Gutierrez nang dumating ito kahapon sa contract-signing nila ng Delta Air International Aviation Academy (DAIAA), ang flying school na sister company ng AMA University.

Star na star ang hitsura ni Richard at parang si Tom Cruise sa Top Gun ang kanyang dating.

Hindi ako magugulat kung mag-aral na rin si Richard ng pagpapalipad ng eroplano dahil siya ang celebrity endorser ng Delta Air International Aviation Academy.

Masyadong malakas ang loob ni Richard at pruweba ang mga risky stunts na ginagawa niya sa Pinoy Adventures. Kung nagagawa ni Richard na sumisid sa deep blue seas sa loob ng dalawang oras, kayang-kaya niya na magpalipad ng eroplano sa tulong ng mga instructors ng DAIAA.

Nakausap ko ang big boss ng DAIAA bago dumating si Richard at naloka ako nang malaman ko na P4 million ang tuition fee ng mga nag-aaral na maging piloto.

Nakapalaking halaga ng four million pesos kaya may impression na mayayaman lang ang can afford na mag-enroll sa isang flying school.

Show comments