Parang kapatid na ang turingan nina Angelica Panganiban at Ryan Bang. Naging malapit ang dalawa dahil magkasama sila sa programang Banana Split.
“Tinatawag niya ’kong ate, si Ate Angel, ganun. Kapag may problema siya, kapag takot siya, kapag masaya siya, lahat ng emosyon niya pinapaalam niya sa akin. Sobra kasi siyang lambing,” bungad ni Angelica.
“Noong unang beses ko siyang nakita, sobrang kinukulit niya ako sa dressing room. Kakalabas pa lang niya ng PBB (Pinoy Big Brother) house noon para lang magpa-picture sa akin kasi sobrang crush na crush niya raw si Ruby (dating teleserye ni Angelica). So, natuwa naman ako na may ganun ’di ba? Na para siyang Filipino, nanonood siya ng teleserye. Ganun ’yung tingin niya sa akin.”
Naikuwento rin ni Angelica na sobrang malapit si Ryan sa ina nitong nasa South Korea.
“Everyday silang magkausap and nakita ko ’yun kasi noong mga panahon na lagi kaming magkasama, hindi lalampas ’yung isang araw na hindi niya kakausapin ’yung mommy niya. As in maglo-long distance siya, tatawagan niya, kakamustahin niya,” dagdag pa ni Angelica.
May pagkakataon pa na binigyan ng dalaga ng isang cell phone si Ryan para makausap ng libre ang ina.
“Noong isang beses, gusto niyang magkaroon ng iPhone kasi may mga applications daw na libre lang ’yung magiging pag-uusap nila ng mommy niya. Gusto niyang bilhin ’yung iPhone ko. Sabi ko hindi naman, parang ang pangit namang magbenta ng cell phone sa kaibigan. So, binigay ko ’yun sa kanya para makausap naman niya nang madalas ’yung mommy niya na hindi na niya kailangang gumastos,” pagtatapos ng aktres.
Ayon pa kay Angelica ay talaga namang gumagaan ang buhay niya at ang mga taong nakapaligid kay Ryan dahil masayang kasama ang Korean young comedian.
Charice ibabahagi ang mga naranasang hirap
Abalang-abala ngayon ang international star na si Charice dahil sa kaliwa’t kanang proyekto niya sa Amerika at sa Pilipinas kasama na ang bagong reality show na The X Factor Philippines. Nakatakda nang magsimula sa June ang nasabing programa. Magiging isa sa apat na hurado dito ang singer at makakasama niya sina Martin Nievera, Gary Valenciano, at Pilita Corrales.
“Very hard sa schedule, I’ll be flying back and forth para gawin ’tong X Factor dahil may ginagawa rin ako roon,” nakangiting pahayag ni Charice.
Sobrang excited ng dalaga sa kanyang bagong proyekto sa Kapamilya Network. Magandang pagkakataon ito upang maibahagi ni Charice ang kanyang mga karanasan at natutunan sa lahat ng magiging contestants ng kanilang programa.
“I feel very blessed and I wanna thank the X Factor team for trusting me to be part of their team. I can’t wait to share my experience sa mga magiging contestants. I’m very excited sa lahat ng magiging contestants. Make sure you have the X factor,” sabay smile ni Charice. – Reports from JAMES C. CANTOS