Pinatunayan kagabi ni Rayver Cruz na hindi lamang sa pagsasayaw at bilang boyfriend ni Cristine Reyes siya maaring makilala sa mundo na kanyang ginagalawan kundi lalo na sa kanyang acting. Isang magandang role ang ipinagkatiwala sa kanya ng Kapamilya Network sa pangunahing drama anthology ng bansa, ang Maalaala Mo Kaya. Bida ang role niya at higit pa sa inaasahan ang ginawa niya sa nakaaantig na kuwento ang ginawa niya.
Ang galing ni Rayver! Sana mga ganung roles pa ang ibigay sa kanya ng ABS-CBN para naman ang hindi laging natatampok ay kung gaano siya kabait na boyfriend sa napaka-kontrobersyal niyang gf.
Imelda wala pa sa planong iwan ang pagkanta
Mahirap paniwalaan na after all these years, mas gumaling pang performer si Imelda Papin.
Nasaksihan ko ang ginawa niyang fundraising show sa Tanghalang Pasigueno nung Biyernes ng gabi, at hindi lamang ako kundi ang lahat ng sumaksi, SRO ang lugar, ay nagulat na ang paiyak-iyak na singer na nag-reyna ng napakaraming taon sa jukebox ay isa palang mahusay na concert artist at maski na sa panahon ngayon na ang mga kasabayan niya ay nagri-relax na lamang at ini-enjoy ang fruits of their labor, siya ay maaari pang makipagsabayan sa pinaka-mahuhusay natin at mas nakakabatang concert performers.
Ang concert for a cause din ni Imelda ay nagpamalas sa publiko kung bakit siya mahusay sa kanyang trabaho. Dahil libre ang mga nag-perform, pawang mga kamag-anak niya ang kumanta, mula sa kanyang kapatid na si Aileen hanggang sa kanyang nag-iisang anak na si Maffi at ang iba na pawang pamangkin niya tulad nina Jessica Arcilla, apo ni Bella Flores at anak ng kanyang pinsang si Jean Pain, at mga kaibigan ng pamilya na sina Anthony Segovia, Madrigal siblings, Genevieve Bravo at marami pa.
Bagaman at ang binanatan ni Imelda ay ang most loved hits niya tulad ng Isang Linggong Pag-ibig at Bakit, well-received at talagang nagpahanga sa lahat ang pagbanat niya ng mga awiting I Who Have Nothing, Simply The Best, Rock N Roll Medley.
Napaka-ganda rin ng duet nila ng kanyang anak na si Maffi na napakalaki ng improvement bilang singer. No wonder makakasama na niya itong mag-show sa Orleans Hotel and Casino sa Las Vegas sa June 10.
May asawa’t anak na ang dating That’s Entertainment member na kasa-kasama niyang umuwi ng bansa. Sa May 26 ay nakatakda silang mag-perform sa Poblacion, San Jose del Monte covered court para naman sa benefit ng OSCA at Kultura San Josena.
Ang show sa Pasig ay para sa Bahay Aruga at sa patuloy na pagbibigay ng Eminence Homecare sa QC Gen. Hospital ng libreng dialysis treatment sa mga mahihirap.