MANILA, Philippines - Magsasama-sama na ang celebrity judge-mentors ng The X Factor Philippines na sina Concert King na si Martin Nievera, Mr. Pure Energy na si Gary Valenciano, international singing sensation na si Charice, at Asia’s Queen of Songs na si Pilita Corrales dahil iikutin na nila ang bansa para hanapin ang Pinoy na may ‘x factor’ para maging susunod na singing superstar.
“Isang malaking karangalan na maging parte ng palabas na ito. Sumali na rin ako sa mga singing contest simula bata ako kaya alam ko ang nararamdaman ng mga contestant. Bilang isang judge-mentor, magiging mabait ngunit totoo ako sa kanila,” ani Charice, ang pinakabatang judge-mentor sa buong kasaysayan ng The X Factor.
Ibinahagi naman ni Martin ang kanyang saya na makatrabaho ang iba pang judge-mentors sa The X Factor Philippines.
“Matagal ko ng kasama si Gary kaya maganda na ang nabuo naming samahan sa trabaho. Si Tita Pilita naman ang nakadiskubre sa akin at isa sa aking mga mentor. Siya ang unang nagsabi sa akin na may hinaharap ako sa industriyang ito. At siyempre nariyan si Charice na bagamat pinakabata ay pinakamarami namang karanasan para sa kanyang edad, kaya sigurado ako na marami siyang maibibigay sa programa. Talagang excited ako na makasama silang lahat,” pagpapaliwanag niya.
Kasing-excited din ni Martin si Gary na sabik naman sa pag-mentor ng contestants. Ibinahagi niya rin ang kanyang opinyon sa posibleng kumpetisyong mabuo sa pagitan ng mga judge-mentor.
“Kung may hahamunin man ako iyon ay ang sarili ko lang. Hindi ito hamon sa ibang judge-mentors kasi kanya kanya kami ng ideya kung sino ang may ‘x factor,’ ” sabi ni Gary.
Samantala, aminado naman si Pilita, na hindi baguhan pagdating sa pagiging judge ng mga talent search, na malaking hamon para sa kanya ang The X Factor Philippines dahil kakaiba ang show na ito kumpara sa ibang show kung saan naging hurado na siya.
Sisimulan na nga nilang pumunta sa iba’t ibang bahagi ng bansa kasama ang host na si KC Concepcion.
Unang tumungo si KC at mga judge-mentor sa gaganaping auditions noong Miyerkules (May 16) at Huwebes (May 17) sa Hoops Dome sa Cebu City.
Magpapakitang gilas naman sa kanilang harapan ang mga taga-Mindanao sa May 23 at 24 sa Davao Del Sur Coliseum.
Hindi naman papahuli ang mga taga-Maynila at mula sa iba pang bahagi ng Luzon sa auditions na gaganapin sa May 30, 31, at June 1 sa PAGCOR Theater sa Parañaque City. (KC)