MANILA, Philippines - Sa gitna ng deka-dekadang bakbakan sa pagitan ng pamahalaan at ang rebeldeng grupong New People’s Army (NPA), naiipit ang mga inosenteng Lumad o ang mga katutubong Pilipino na nakatira sa mga bulubundukin ng Mindanao.
Ngayong Huwebes (Mayo 17) sa Krusada, kakamustahin ni Karen Davila ang mga Lumad sa Ba-Oy Dam, Surigao del Sur na araw-araw na nabubuhay sa takot na masabugan o mapapaputukan.
“Sa kahit anong giyera, ang mga inosenteng indibidwal ang higit na nadadamay at naaapektuhan, hindi ang mga panig na naglalaban,” sabi ni Karen.
Dahil dito, napipilitang lumikas o mag-“bakwit” ang mga Lumad, at sa kanilang paglisan ay naiiwan ang kanilang mga tirahan, kabuhayan, at maging ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Saan na sila lulugar? Hanggang kalian sila tatakbo, lilikas, at mag-“babakwit”?
Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, manood ng Krusada, ang 2012 New York Festivals Bronze World Medalist para sa Social Issues/Current Events category sa Huwebes (Mayo 17) pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN o sa mas maagang pag-ere nito sa DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26), 9:15 p.m.