Feeling restless and insecure na naman si Glaiza de Castro. Paano ba naman, nakatakdang magtapos sa linggong ito ang Biritera pero hanggang ngayon ay wala pa siyang tinatanggap na kasunod na trabaho. Kapag ganito, nakararamdam siya ng insecurity, nababalisa siya.
Feeling niya kasi kahit hindi siya ang bida basta maganda naman ang role, o kahit kontrabida, puwede na. Ang importante may ginagawa siya. Ayaw na ayaw niya ng idle siya. Kapag nagpatuloy pa na wala siyang natatanggap na bagong assignment, malamang bumalik siya ng eskuwela para lamang hindi siya mainip.
Music production ang gusto niyang pag-aralan. Isang kurso ito na matagal na niyang gustong kunin pero hindi niya alam kung saang school may nag-o-offer. Kailan lamang niya nalaman na merong ganitong kurso sa La Salle. Hindi na siya mag-aalala pa, kung paano tatakbo ang oras niya habang wala pa siyang ginagawa. Music production na ang kukunin niya at handa na siyang maging estudyanteng muli.
Lara Morena mamumuhunan sa concert ni Jed Madela
Isang entertainment production naman ang pinasok ng dating artistang si Lara Morena. Itinatag niya ang Undisputed Entertainment Production at unang venture ng kumpanya na siya rin ang namumuno ay isang concert na nagtatampok kay Jed Madela sa May 18 sa Music Museum.
Pinamagatang Back to Basics, makakasama niya ang mga dating nakakasama niyang kumanta sa banda na sina Aliyah Parcs, Rahda, at Gail Blanco. Mga 20 kanta ang inihahanda ni Jed para sa concert na tatagal ng dalawang oras.
Angel at Marian magkakaagawan na naman
Marami ang naniniwala na mabubuhay na muli ang apoy ng intriga na bumalot nun kina Marian Rivera at Angel Locsin ng maging magkalaban sila bilang pinaka-seksing babae sa showbiz.
Bagama’t naagaw sa kanilang dalawa ang titulo ng baguhang si Sam Pinto. Magkalaban na naman sina Marian at Angel this year at matalo man sila pareho, the fight will most likely zero in on the fact that Angel is Dingdong Dantes’ leading lady in a Star Cinema movie na gagawin nito. Wala namang hindi nakababatid sa pagiging insecure at selosa ng Kapuso actress sa mga nakakapareha ng boyfriend ni Marian.
Inaasahan ng lahat ang isa na namang maintrigang labanan nina Marian at Angel ang masasaksihan.
Charice ka-liga na ang mga beteranong singers
Wala naman akong masabi. Ka-liga na si Charice ng mga musical legends ng Pilipinas na sina Pilita Corrales, Martin Nievera, at Gary Valenciano. Ang international status niya ang naglagay sa kanya sa ganitong sitwasyon na sinasamantala ng ABS-CBN sa pagkuha sa kanya para maging pang-apat na hurado, kasama ang tatlong nabanggit na mga kilalang singer ng bansa sa bagong franchise singing contest nitong The X Factor Philippines to be hosted by KC Concepcion. Kasalukuyang nasa Cebu ang grupo para sa isa pang audition na magaganap para sa show na malapit nang magsimula.
Imelda magpapa-concert sa Pasig para sa libreng dialysis
Dahilan sa kahilingan ng maraming taga-Pasig, magdaraos na naman ng isang concert sa Tanghalang Pasigueño sa Mayo 18 ang isa sa musical icon ng bansa na si Imelda Papin.
Pinamagatang One Night for a Cause, gagawin na rin itong isang benefit concert ni Imelda para sa itinayo niyang Eminence Homecare sa Quezon City General Hospital na nagbibigay ng libreng dialysis treatment sa mga mahihirap na pasyente.
Makakasama ni Imelda sa nasabing concert si April Boy Regino, ang anak niyang si Maffi Papin, dating taga-That’s Entertainment at ngayo’y isa ng choreographer at performer sa Las Vegas, ang kapatid niyang si Aileen Papin, mga pamangking sina Jessica Arcilla at Jean Papin, Garry Cruz, Madrigal Siblings, at Anthony Segovia.
Ang concert ay bahagi ng concert series ni Imelda na ginaganap sa maraming bahagi ng bansa at nagbibigay sa maraming manonood ng a glimpse of Las Vegas. Nag-iisang Filipino artist si Imelda na nagtatanghal sa Orleans Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada na kung saan ay kumakanta rin sina Kenny Rogers, Boyz 11 Men, Melissa Manchester, Michael Bolton, at Barry Manilow. May stint muli ron si Imelda sa June 10.