Pilita hahanapin ang susunod na singing superstar ng bansa

MANILA, Philippines - Tila mahihirapan ang mga contestants ng inaabangang singing-reality competition na The X Factor Philippines dahil mismong ang Asia’s Queen of Songs na si Pilita Corrales ang sasala sa kanila bilang ika-apat na judge-mentor ng kumpetisyon.

Sasamahan ni Pilita ang kapwa hurado na sina Martin Nievera, Gary Valenciano, at Charice sa paghahanap at pagsanay ng susunod na singing superstar ng bansa. Dala ang mahabang karanasan sa music industry kung saan nakapaglabas siya ng 135 albums at nakapagtanghal sa iba’t ibang bansa sa mundo, isa na si Pilita sa pinakamapanu­ring mata na may kakayahang makita ang ‘x factor’ sa mga mag-o-audition sa harapan niya sa darating na mga linggo. Kilala ring songwriter, actress, at TV/radio host, nagawa na ni Pilita na maka-duet ang mga international artists na sina Sammy Davis, Jr., The Beatles, Bob Hope, Pat Boone, Frank Sinatra, at Julie Andrews. Hawak niya rin ang karangalan bilang unang Filipino artist na nagwagi sa isang international music festival nang manalo siya bilang best performer sa unang Tokyo Music Festival. Isa ring tunay na Kapamilya si Pilita dahil ang kanyang multi-awarded show na An Evening with Pilita, na umere sa ABS-CBN mula 1965-1972, ay isa sa pinakakinikilalang programa sa kasaysayan ng Philippine TV. Mapapabilib kaya si Pilita ng mga contestants? 

Show comments