Sharon palalakasin ang women empowerment sa Singko

MANILA, Philippines - Ang Mayo ay buwan ng women empowerment sa TV5. Sa pagdiriwang ng Mother’s Day, sisimulan na ng Kapatid Network ang mega gandang hapon ngayong Mayo 14. Magsisimula ang masasayang hapon sa mga naglalakihang Hollywood movies. Susundan ito ng mga award-winning Koreanovela at sa kanyang unang programa bilang Kapatid, bubuksang muli ni Sharon Cuneta ang kanyang puso para sa mga ordinaryong tao sa Sharon: Ka­sama Mo, Kapatid.

Dahil sa mga kakaibang istorya at kapana-panabik na mga tagpo, hindi maikakailang hit na hit ang mga Koreanovela sa Pinoy. Ngayong Lunes, tatlo sa mga bigating drama sa Korea ang tiyak na magpapasiklab ng damdamin ng mga manonood sa tatlong istorya ng pamilya, pagkakaibigan, pag-ibig at panlilinlang.

Sina Cheska at Jeremy ay nakatakdang magpakasal. Nang mabuntis si Cheska, bigla na lang itong iniwan ni Jeremy para sa isang mas mayamang babae. Dito magsisimula ang istorya ng isang dalagang ina sa kanyang pagharap sa iba’t ibang pagsubok sa White Lies.

Ang Love You a Thousand Times ay kuwento nina Harold at Sandra. Sa ilang taon nilang pagsasama, hindi sila nabiyayaan ng anak. Dahil sa kawalan ng pag-asa, lumapit si Sandra kay Eunice para magsilbing surrogate mother, ang magdadala ng kanilang sanggol. Ito’y lingid sa kaalaman ni Harold. Sa pag-ikot ng istorya, mahuhulog ang loob ni Eunice kay Carlo, kapatid ni Harold. Sa pagkukrus ng kanilang mga landas, isang malaking drama ang magaganap.

Ang Pink Lipstick ay istorya ng panlilinlang at pagtataksil. Nalaman ni Andrea na ang asawa nitong si Aldwin ay may relasyon sa kanyang matalik na kaibigang si Marivic. Ang mas nakakagulat na rebelasyon, ang batang inampon ng mag-asawa ay ang bunga pala ng kanilang kataksilan. Dahil sa nangyari, susubukan ni Andrea na bumangon at maghiganti.

Sa loob ng tatlong dekada, mapa-pelikula, musika o telebisyon, ’di matatawaran ang galing ng Megastar na si Sharon. Ngayon, isang bagong hamon ang kanyang haharapin sa kanyang showbiz career. Sisimulan na ng Megastar ang kanyang daily talk show na Sharon: Kasama Mo, Kapatid.

Dahil na rin sa ibang klaseng karisma ni Mega, inaasahan na magsisilbing bentahe ito upang mas makapaghatid ang programa ng mga tunay at natatanging kuwento. Ngunit bukod sa mapusong usapan, ipapamalas din sa programa ang mga nakakatuwang kuwentong pihadong magpapagaan sa araw ng mga manonood.

Ang Mega afternoon block ay magsisimula na ngayong Lunes, Mayo 14. Sisimulan ito ng Sine Tanghali sa 12:45 p.m. Kasunod ng White Lies sa 2:45 p.m., Love You a Thousand Times sa 3:15 p.m., at Pink Lipstick sa 3:45 p.m. Mga tunay na kuwento ng mga tunay na tao ang mapapanood sa Sharon: Kasama Mo, Kapatid sa 4:30 p.m. sa TV5.

Show comments