Mexican Terminator ang tawag kay Congressman Manny Pacquiao dahil sa dami ng mga Mexican boxer na tinalo niya sa ring.
Filipina-Mexican ang American Idol contestant na si Jessica Sanchez at isa si Papa Manny sa kanyang supporters.
I’m sure, natutuwa ang mga Mexicano dahil sa suporta ni Papa Manny sa kanilang kababayan na kababayan din natin bilang half-Filipina si Jessica.
Mexicano ang tatay ni Jessica at Pinay ang kanyang ina na mula sa Bataan pero matagal ng nag-migrate sa California. Kung nagkakaroon noon ng gap ang mga Pinoy at Mexican dahil sa pagpapataob ni Papa Manny sa mga Mexican boxers, kapit-kamay sila ngayon sa pagsuporta kay Jessica para ito ang manalo ng American Idol title sa May 24.
Male contestants ang madalas na nananalo sa American Idol at kung papalarin si Jessica, siya ang ika-limang babae na magwawagi sa sikat na talent search show sa buong mundo.
Tim Yap nag-effort para makita sa personal si Jessica
Nakatanggap din kahapon ng pagbati mula sa fans ni Jessica ang kanyang madir na si Editha.
Binati ng fans ng “Happy Mother’s Day” si Editha at pinasalamatan ito dahil sa pagsilang niya kay Jessica.
Kung hindi raw dahil kay Editha, walang Jessica na maipagmamalaki ang mga Pinoy at ang mga Mexican.
Na-meet ni Tim Yap ng personal si Jessica ng magpunta siya sa studio ng American Idol.
Sa pamamagitan ni Tim, ipinaaabot ni Jessica sa mga Pinoy ang kanyang pasasalamat. Alam ni Jessica na aligaga sa pagboto ang mga Pinoy para hindi siya matsugi sa American Idol.
Nagpunta si Tim sa California dahil siya ang host ng red carpet premiere ng The Road sa Arclight Cinema noong May 9. Sinamantala ni Tim ang pagkakataon. Gumawa siya ng paraan na mapanood ang live telecast ng American Idol dahil sa kagustuhan niya na makilala nang personal si Jessica.
Lani malungkot sa pagkamatay ng ina
Bago ang lahat, nakikiramay ako sa pamilya ni House Representative Lani Mercado dahil sa pagpanaw kahapon ng kanyang mahal na ina, si Mrs. Justa Hernandez.
Malungkot ang Mother’s Day ni Lani at ng kanyang mga kapatid dahil sa pagkamatay ng kanilang ina, kahapon ng madaling-araw (3 a.m.).
Nakaburol ang mga labi ni Mrs. Hernandez sa Heritage Park, Taguig City at pinag-uusapan pa ang araw ng kanyang libing.
Regine nabawasan na ang timbang
Medyo pumayat na si Regine Velasquez ng umapir ito kahapon sa Party Pilipinas. Six months pa lang ang nakalilipas mula ng isilang ni Regine ang panganay nila ni Ogie Alcasid kaya hindi dapat madaliin ang pagbabawas niya ng timbang.
Hindi madali ang magbawas ng timbang at alam ko ‘yan dahil huminto na ako sa pangangarap na papayat pa ako.
First time mommy si Regine kaya memorable sa kanya ang Mother’s Day kahapon. Masuwerte ang anak ni Regine dahil hands on ang mommy niya. Priority ni Regine ang pag-aalaga kay Nate kaya kadalasan, hindi siya nagtatagal sa mga showbiz events na kanyang pinupuntahan. Umapir si Regine sa birthday party ni Jun Lalin sa Imperial Palace Suites noong Huwebes pero sandaling-sandali lamang siya dahil naghihintay sa kanya ang bagets.