MANILA, Philippines - Binasura kamakailan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 126 ng Caloocan City ang isinampang motion for indirect contempt ni Ronald Virola laban kay Mike Enriquez at sa GMA Network kaugnay sa ilang episode ng programang Imbestigador.
Nauna nang na-dismiss ng Korte ang civil complaint ni Virola laban sa batikang broadcaster at sa GMA dahil sa pag-ere ng police raid na ginanap sa tahanan ni Virola sa nasabing programa noong 2002.
Dito nabunyag ang pagmamay-ari ni Virola ng ‘di matukoy na dami ng regulated at prohibited drugs. Gayundin ang mga VHS tape na naglalaman ng mga nude at obscene footage ng iba’t ibang babae na mistulang nasa ilalim ng impluwensiya ng droga at tila pinagsamantalahan ni Virola.
Depensa ni Virola, wala di-umanong katotohanan ang mga krimeng ibinintang sa kanya ng programa kaya humingi ito ng 1.2 milyong pisong danyos mula sa GMA.
Noong November 10, 2011, na-dismiss ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Sa inilabas na desisyon ni Presiding Judge Lorenza Bordios, tinukoy ng Korte na ang mga nasabing episode ay masasabing privileged communication, at isang tapat at patas na pag-uulat ng mga bagay na dapat malaman ng publiko.
Nagsampa ng motion si Virola upang ireklamo ang muling pagpapalabas ng GMA ng kuwento ukol sa kanya noong January 7, 2012 sa kabila ng pag-apila nito sa desisyon ng korte.
Sa order na inilabas ng Caloocan RTC, dineny ang motion na isinampa ni Virola dahil sa lack of jurisdiction dahil kasalukuyan ng nakabinbin sa Court of Appeals ang kanyang appeal.