Nanay Lolit nagmimistulang leon pag sinaling ang alaga

MANILA, Philippines - Tuwing ikalawang Linggo ng Mayo’y idinaraos ang Mother’s Day bilang pa­puri sa dakilang babaeng nagsilang sa atin, ma­tiyagang sumubaybay sa ating paglaki, karamay lagi sa hirap at ginhawa at tinatawag na Ilaw ng Tahanan.

Siya ay si Nanay, Inay, Mama, Mommy, Inang o Mom­sy. At ngayong Sabado alas-diyes hanggang alas-onse ng umaga sa GMA News TV programang Life and Style with Gandang Ricky Reyes ay mga katangi-tanging ina ang itatampok.

Una rito’y si Mama Renee Salud na tinaguriang Philippine Ambassador to Fashion. Siya ang kinikilalang Ina ng mga modelo at nangangarap maging beauty queen dahil sa kanyang pagpapala at pagsasanay ay nararating ng mga “anak” ang tagumpay.

Dalawang taga-showbiz na magkaiba ang karanasan at paraan ng pagpapakita ng pagmamahal ang makakatsikahan ng host-producer na si Mader Ricky. Una’y si Nanay Lolit Solis na kilalang talent ma­nager at host ng Startalk. Subukan mong sali­ngin ang mga talent ni Lolita at magmimistula siyang leon na handang ipagtanggol ang kanyang mga ku­ting o cub.

May pusong ginto siya na pruweba’y ang mga asong alaga na abot na sa 70 ang bilang.

Trimedia personality naman si Nanay Cristy Fer­min dahil bukod sa pagsusulat ng mga entertainment kolum ay host ng radio program na Cristy Ferminute at TV5 shows na Juicy at Paparazzi. Ibibida niya kung paano nagsimula ang tawag sa kanya ng Nanay mga anak sa showbiz. Tatalakayin din ang hilig niya sa artwork at painting.

Kung si Renee Salud sa fashion at sa showbiz ay may Lolit at Cristy, may “Mamu” o “Mother”: ang mga host, singer at stand-up comedian at ito’y si Andrew de Real.

Sa The Library na videoke joint ni Mamu nagsimula ang maraming talentong ngayo’y nakagawa na ng pangalan. “Nang buksan ko ang The Library ay hangad kong dito ay pinapatunayang – laughter is the best medicine. Masarap kung masaya ang lahat at ang kapaligiran,” sabi ni Mamu.

Show comments