Samahan nina Coco at Julia mas lumalim na

Naging matagumpay ang teleseryeng Walang Hanggan kaya mag-e-extend ito hanggang last quarter ng taon. Masayang-masaya si Julia Montes dahil naging bahagi siya ng nasabing serye.

“Natutuwa ako kasi ’yung pagod at puyat namin napapalitan ng ganung magandang feedback so lalo kaming naeengganyo na mag-work na ipakita namin ’yung best namin,” bungad ni Julia.

“Siyempre bago ko simulan ’yung Walang Hanggan ang dami kong doubts sa sarili ko.”

Malaki na ang ipinagbago ng samahan nina Julia at ng ka-love team niyang si Coco Martin ngayon dahil mas naging malapit na sila sa isa’t isa. Lalong hinangaan ng dalaga ang galing ni Coco bilang isang aktor.

“Ang changes sa amin siguro ’yung connection namin. Mas lalo naming nakikilala ang isa’t isa. Siyempre makikita mo naman talaga na guwapo siya. Kumbaga kumpleto na si Coco and ayun, masasabi ko rin naman na crush kasi paghanga dahil magaling siya, guwapo, mabait, gentleman, so wala ka na ring hahanapin.

“Off camera para kaming barkada siguro dahil nga naka-work ko na siya before. ’Yung naglolokohan kami, typical friendship na barkada na sa scene,” paliwanag ng young actress.

Bukod kay Coco ay leading man din ni Julia si Paulo Avelino sa kanilang serye. Ayon sa dalaga, magkaiba talaga ang approach ng dalawang aktor pagdating sa pag-arte.

“Masasabi ko intense si Coco. Ramdam mo ’yung may ugali siya na kapag hindi niya nagustuhan ’yung scene, sasabihin niya talaga na ‘Mag-isa pa tayo ng take.’ Super dedicated siya sa work.

“Si Paulo naman, ang improvement niya kasi noong una talaga nahihiya pa siya, medyo naiilang-ilang pa. Ngayon talagang nagbibigay na siya, naggi-give and take na rin siya,” paliwanag ni Julia.

Derek ‘pinatay’ na ang isyu kina John Lloyd at Angelica

Kamakailan ay ikinagulat ng lahat ang balitang hiwalayan diumano nina Angelica Panganiban at De­rek Ramsay. Kinumpirma ni Derek na “cool off” muna sila ni Angelica kaya lalong naging matunog ang isyu tungkol sa kanila.

Nadamay pa si John Lloyd Cruz na sinasabing isa sa mga dahilan ng hindi pagkakaunawaan nina Derek at Angelica. Aminado rin si Derek na mayroon nga silang pinagdadaanan ng aktres sa ngayon.

“Angel and I are working things out. We’re talking. May pinagdadaanan kami. Angel and I are okay. We’re gonna sit down and talk and we’re gonna see where it goes from there. It’s just everything’s been so crazy, ’di kami nagkakapanahon na mag-usap.

“Pinagdaanan na rin namin ’to before. We’ll see kapag nag-usap na kami, it is a priority for me and it has to be done really, really soon,” pagtatapat ni Derek.

Samantala, kinumpirma rin ni Shaina Magdayao sa pamamagitan ng isang statement na hiwalay na sila ngayon ni John Lloyd kaya naman lalong nagkaroon ng espekulasyon na may kinalaman talaga si John Lloyd sa naging problema nina Angelica at Derek.

“No, no, no. Papatayin ko na ang issue na ’yan. There’s no third party,” giit pa ni Derek.  Reports from JAMES C. CANTOS

Show comments