MANILA, Philippines - Likas sa mga Pinoy ang hilig sa masasarap na pagkain. Kahit dumayo sila sa malalayong lugar sa bansa para makatikim ng kakaiba ay tiyak na gagawin nila.
Samahan natin ngayong Sabado alas-diyes ng umaga ang staff and crew ng Life And Style With Gandang Ricky Reyes sa pamamasyal nila sa mga sikat na bahay-kainan para masampolan ang iba-ibang putahe at inuming angkop sa panahon ng tag-init.
Unang papasyalan nina Mader Ricky ang Karinderia sa Barangay San Martin de Porres, Makati na tampok ang limang putaheng ipinagmamalaki ni Chef Hatch Bodegon. Kung mahilig naman kayo sa lutong-Italyano ay dadalhin kayo ng tropa sa Bellini’s sa Cubao, Kyusi kung saan patitikimin kayo ng pasta, homemade na tinapay, eksotikong dessert at alak na imported pa mula sa mga vineyard sa Italy.
Natatandaan ba ninyo ang housemate ng Pinoy Big Brother na si Kian Kazemi? Inanyayahan niya si Mader sa kanyang restoran na Persia Grill na ang house specialty ay binubuo ng cielo kebabs, hummus, salad, grilled vegetables at homemade yoghurt. Pagkatapos doon ay dadalaw sila sa gawaan ng alak ng Pinoy na si Manny O. Mabili ang produkto ng ginoo dahil ang lasa ng kanyang alak ay ibinagay niya talaga sa panlasa ng mga kababayan.
Grabe ang init kaya hihingi ng mga tip si Mader kay Dr. Harris Acero ng Remnant Center kung anu-anong healthy drink ang dapat inumin para maiwasan ang heat stroke at magkasakit. Ipaliliwanag pa sa programa kung bakit ang health supplement na Heartvit ay mabisa para maalagaan ang ating puso.
Sa pagpapatuloy ng ating food trip ay sasadyain ni Mader ang Mila’s Lechon at iinterbyuhin ang may-aring si Mrs. Antonina Cesario kung paano nito sinimulan at pinaunlad ang negosyong lechong baboy. Ngayo’y may mga putaheng Pinoy na dinarayo sa mga Mila’s Restaurant tulad ng paksiw na lechon, dinuguan at chicharon.
Ang LSWGRR ay produksiyon ng ScriptoVision at napapanood sa GMA News TV.