MANILA, Philippines - Bakas na bakas ang kaligayahan sa mukha ng mga batang dumalo sa Isang Tuwa Isang Pag-Asa project ng GMA Kapuso Foundation (GMAKF) – sa pakikipagtulungan ng Tahan-Tahanan - bilang paggunita sa Cancer in Children Awareness Month noong nakaraang April 20 sa East Avenue Medical Center.
Halos 70 batang may sakit na cancer kasama ang kanilang mga magulang at guardians ang nagsama-sama para makisaya sa iba’t ibang activities na inihanda sa espesyal na araw na iyon. Kasama rito ang isang art workshop, storytelling session, at iba’t ibang klaseng mga palaro.
“Parte ng buhay ng mga bata ang paglalaro. Kaya’t mahalaga sa mga batang may cancer na paminsan-minsan ay pansamantala nilang makalimutan ang kanilang karamdaman sa pamamagitan ng mga activities na gaya nito,” pahayag ni Ms. Mel Tiangco, Executive Vice President at Chief Operations Officer ng GMAKF.
Nagsagawa rin ng isang lecture para sa magulang at guardians si Dr. Ma. Victoria Abesamis, Medical Chief ng the East Avenue Medical Center Tumor Clinic at consultant ng Tahan-Tahanan, isang half-way home para sa mga pasyenteng may cancer. Nagbahagi ng ilang tips si Dr. Abesamis sa tamang pag-aalaga at pagsuporta sa mga batang may cancer.
Sinabi rin niya na makakabuting makisalamuha ang mga bata sa mga kapwa nila cancer patients para sa mabilis nilang paggaling.
Dagdag pa ni Dr. Abesamis, “Malaki ang naitutulong ng mga ganitong klaseng activity hindi lamang para turuan kundi upang magbahagi ng suporta sa mga pasyente at sa kanilang mga pamilya. Sa gayon, mararamdaman nila na hindi sila nag-iisa.”
Taun-taon ay nagsasagawa ang GMAKF ng mga proyekto para sa beneficiaries ng kanilang Give a Gift Cancer Kids project na tumutulong magpagamot sa mga pediatric cancer patients. Subalit ngayong taon ay nakiisa ang GMAKF sa Tahan-Tahanan ng East Avenue Medical Center Tumor Clinic.
Makakaasa ang mga batang ito na kaisa nila ang GMA Kapuso Foundation hanggang sa kanilang paggaling.