Kay Dingdong pa nalaman, Marian tinatawanan lang ang pagbubuntis
PIK: Isa sa pinag-usapan sa general assembly ng Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit o OPM nung isang araw na ginanap sa Anabel’s Restaurant ay ang mga international performers na nagpi-perform dito sa atin. Ganun pa rin ang isyu sa OPM na hihilingin sana nilang taasan ang equity para sa kanila.
Limang libong piso lang naman pala ang napupunta sa OPM na sa totoo lang ay apektado nga ang mga local performers sa pagpunta rito ng mga international artists. Pero nililinaw din ng OPM President Ogie Alcasid na hindi nila ipinagbabawal ang pagpunta dito ng mga international performers. Ang gusto lang sana nila ay mabigyan naman ng tamang equity ang OPM.
Matagal na ang isyung ’yun sa OPM na sana ngayon ay mabigyan na ng tamang aksiyon.
PAK: Inamin ni JayR na siya ang may pagkakamali kaya nakipag-break sa kanya si Krista Kleiner. Kaya sinusuyo niya ito ngayon na magkabalikan sila. Pero medyo nagugulat lang siya at naiirita kapag napapanood na niya sa TV na nagsasalita si Krista tungkol dito.
Ang gusto lang naman sana niya ay pribado na ang kanilang relasyon at huwag ng i-showbiz. Pero wala siyang magawa kundi mag-adjust, at umaasang makipagbalikan na si Krista sa kanya.
Sabi naman ni Krista, hindi pa siya handang makipagbalikan dahil medyo nasasaktan pa siya sa dahilan kung bakit sila naghiwalay. Ayaw idetalye ni Krista kung ano talaga ang dahilan ng kanilang break-up. Pero aminado naman siyang mahal pa rin niya ang R&B Prince at posibleng magkabalikan nga sila.
Malakas ang kutob naming magkakabalikan sila bago ang launch ng dance album ni Krista na personal na inaayos mismo ni JayR.
BOOM: Natatawa si Marian Rivera sa kumalat na kuwentong buntis na siya. Sa presscon ng bagong dramedy niyang Tweets For My Sweet.
“Tineks ako ni Dong (Dingdong Dantes) na sinabi niya sa akin, ‘Gusto ko lang ipaalam sa ’yo na may lumalabas na buntis ka, how I wish.’ Sabi niyang ganun. Heto naka-white po ako ngayon, hindi po totoo ’yun talaga,” pahayag ni Marian.
Kung sakaling mangyari ’yun, ibo-broadcast niya talaga dahil kung sakaling mabuntis man siya, ibig sabihin gusto na talaga niya ’yun at nakahanda na siya. Pero sa ngayon ay wala pa sa plano nila ni Dingdong dahil marami pa silang gustong mangyari sa kanilang buhay at sa kanilang career.
Mas excited na nga ngayon si Marian sa bagong programa niya sa GMA 7 dahil magko-comedy na naman siya, lalo na’t masaya ang mga kasama niya rito.
“Masaya talaga kami sa taping, wala kang malalanghap na masamang hangin,” natatawang pahayag nito.
Sa May 6 na magsisimula ang Tweets For My Sweet na kung saan kasama niya rito sina Nova Villa, Roderick Paulate, Barbie Forteza, Elmo Magalona, Mikey Bustos, at first time na umakting dito ni Chef Boy Logro bilang Lolo Boy ni Marian.
- Latest