GMA Network, pinarangalan ng Excellence Award ang mga bukod-tanging graduate

MANILA, Philippines - Pinarangalan ng nangungunang broadcast company GMA Network ang mga pinaka-mahuhusay na nagsipagtapos ng broadcast-related courses mula sa ilang unibersidad bilang paglinang sa kahu­sa­yan ng mga susunod na broadcast practitioner.

Mula nang ilunsad ang CSR program na GMA Network Excellence Award noong 2001, mahigit 30 awardees na ang ginawaran ng parangal mula sa mga partner-university - University of the Philippines (Diliman at Cebu), Don Bosco Technical College (Mandaluyong) at Angeles University Foundation (Pampanga).

Ayon kay GMA Network Assistant Vice President for Corporate Affairs Teresa Pacis, nasa kamay ng mga awardee ang katuparan ng pagsulong ng mass media at communications engineering sa Pilipinas.

Ngayong taon, anim na awardees na nagtapos ng may Latin honors ang tumanggap ng GMA Network Excellence plaque at cash prize na tig-P10,000.

Kasama sa 2012 GMA Network Excellence awar­dees sina Ma. Jorica Pamintuan (magna cum laude), Princess Uboñgen (cum laude ) at Ranel Ram Cheng (magna cum laude) ng UP Diliman, Don Bosco Electronics and Communications Engineering Jhames Patrick Yabot (cum laude), AUF Mass Communication graduate Ryan James Marimla (cum laude), at Marriam Jaustin Reyes Sollano (cum laude) ng UP-Cebu.

Sinala ang mga awardee ng isang panel na kinabilangan ng topnotch broadcast practitioners mula sa GMA Network at pinili gamit ang tatlong criteria: scholastic achievement, related work, at personal interviews.

Marami sa mga nagdaang awardee at finalist ay kasalukuyang nagtatrabaho sa GMA.

Ilan sa mga ito sina GMA News reporters Dano Tingcungco, Jam Sesante, at Micaela Papa, GMA News Online reporter Kimberly Jane Tan, Saksi segment producer Sophia Balod at GMA Cebu sales producer Rachel Sindo.

Show comments