MANILA, Philippines - Bonggang-bongga ang ginawang studio ng TV5 para sa Sharon, Kasama Mo Kapatid, ang daily talk show ni Sharon Cuneta na eere na sa May 7. Balitang mahigit P100 million ang ginastos ng Kapatid Network para sa nasabing studio pa lang, ang dating Delta Theater na inuukopa ngayon ng TV5.
At ito ang isa sa mga rason kaya natagalan ang pag-ere ng kauna-unahang programa ng Megastar na nagkaroon ng presscon kahapon.
Ayon kay Mega pinaganda talaga nila ito dahil ang programang ito ang gusto niyang maging legacy. Sobrang ganda raw ng show at tiniyak ng mga bossing ng TV5 na lalabas na engrande ang unang programa niya sa TV5.
“Sa rami po ng talk shows ngayon at sa rami po ng shows na ginawa ko noon, talagang we wanted it to be familiar but very different,” pauna ni Mega dahil sa mga isyu na kaya natatagalang umere ang Sharon, Kasama Mo Kapatid ay dahil panget ang mga episode na nauna na nilang ginawa.
“Ibinuhos ko na ang lahat-lahat dito,” dagdag niya kahapon.
Wala pang ibinibigay na timeslot ang programa dahil baka raw ma-preempt at tapatan agad ng mga kalaban.
Samantala, wala sa plano ni Sharon na i-guest si Piolo Pascual sa kanyang programa.
“Gusto kong i-guest si KC but I don’t see why I should guest Piolo pa. Kasi, una sa lahat, parang lalagyan ng kulay ng ibang tao, pangalawa, we don’t really need Piolo,” diretsong sagot ng mader ni KC.
Feeling ni Sharon magkakaroon na naman siya ng kaaway dahil sasabihin na naman sa kanyang ginagamit niya ang actor at siya na naman ang lalabas na masama. “I’d rather guest my daughter. I think it will be more understandable, she’s under Viva anyway,” katuwiran niya.
Naikuwento rin niya na nasasaktan siya sa mga paninira sa kanya particular na sa mga taong inaakusahang wala siyang loyalty at nasilaw siya sa isang bilyon na talent fee ng TV5.
Parang pakiramdam niya bakit siya lang ang ginaganun. Marami naman daw mga ibang lumipat at nag-iikot sa ibang channel kasama na ang isang male superstar pero hindi naman sinisiraan tulad ng ginagawa sa kanya.
“Sabi ko, bakit ako, ang laking issue when actually, okay kami ng mga boss ko. Siguro marami ring nasaktan sa mga naiwan kong pamilya.
“And hindi ko maaalis ‘yun pero ang feeling ko parang nagkakaintindihan naman kami ng mga boss ko na siyang malalapit sa akin, sina boss Gabby (Lopez), Ma’am Charo (Santos-Concio), masakit sa akin dahil mahal na mahal ko sila and hindi ko ‘yun itinatago sa mga boss ko sa TV5,” mahabang sagot niya.
Sa katunayan aniya, nang pumirma siya ng kontrata sa TV5 naiyak siya dahil pakiramdam niya strangers ang mga katabi niya.
“Kasi parang dati, ang katabi ko, si Boss Gabby, ngayon parang strangers sila, parang ganun.
“Remember that’s almost 200 million a year for five years. Tanggalan mo pa ng taxes, porsiyento ng iba’t ibang tao so, ‘yun din ang kinikita ko mostly every year,” sabi niya tungkol sa isang bilyon.
Ayaw man niyang magsalita ng rason sa paglayas sa ABS-CBN pero sinabi naman niyang respeto lang ang kailangan niya sa halos tatlong dekada niya sa showbiz na naibigay naman sa kanya, ‘yun nga lang gusto niya ng isang show na nasa pangalan niya.
Isa pang nagpapasakit sa kalooban niya ngayon ang tungkol sa ‘hidwaan’ nila ng tiyahin niyang si Helen Gamboa.
“Gusto ko ring magpalipas ng sama ng loob bago humarap! Walang plastikan. Nakakahiya dahil kasama siyang nagpalaki sa akin! Kung totoo man ang paratang niya, napaka-delayed naman ang reaction ko na lumaki ang ulo, di ba?
“Mahal na mahal ko sila. Gusto ko lang linawin. Napakahirap ng sitwasyon ko pero ayoko ng gulo! Mahal ko ang pamilya ko,” sabi niya na umiiyak.
Nagsimula ang samaan nila ng loob nang magpa-interview si Sharon tungkol sa pulitika na nadadamay ang kanilang pamilya na sinagot ni tita Helen na hindi na siya maabot at matayog na ang lipad.
Parehong nasa senado ang asawa nilang mag-tiyahin.
P-Noy mas piniling umupo sa lower box, 2 PSG napunta tuloy sa front seat
Nagtagumpay naman si Pangulong Noynoy Aquino na hindi na mag-create ng malaking eksena sa concert ng Brazilian Jazz singer na si Sergio Mendez sa Araneta Coliseum last Tuesday night nang sa Lower Box sila pumuwesto ng girlfriend niyang si Grace Lee at mga kapatid niya. ‘Yun nga lang nabakante ang front raw ng Araneta dahil reserved pala sa kanila ang mga nasabing puwesto kaya ang buong akala ng mga ibang nanonood na nasa Patron section, hindi nag-apir ang pangulo.
“Nakakahiya nga kay Sergio Mendez kasi walang nakaupo sa front seats, dalawang PSG (Presidential Security Group) lang,” sabi ng isang source na nanood ng concert.
Oh sayang kung hindi lang siguro parating traffic sa España baka naka-seatmate pa namin sa Lower Box ang grupo ng pangulo dahil dun ang ticket namin. Hahaha. Masabi lang na may ticket.