Hindi lang pala kami ang nagsasawa tuwing nababasa ang tweet ng isang singer-actor (SA) patungkol sa kanyang girlfriend. Sobrang cheesy ni SA na parang ngayon lang nagka-love life. Pati ang ex nitong aktres, natatawa na lang sa pinaggagagawa ng ex.
Hindi namin alam kung gusto lang pasakitan ni SA ang ex na follower niya sa Twitter, kaya ang mga tweets ay madalas sa bagong GF. Siguro gusto nitong ipakita na happy siya sa bagong nobya, kaya ultimong maliliit na bagay ay tini-tweet mula paggising hanggang patulog na lang.
Ang nakakaloka pa, hindi na teenager ang aktor pati ang bagong GF, talo pa ni SA ang mga bagets kung mag-express ng love sa nobya. Kulang na lang mag-“I love you” minu-minuto si SA.
Gina may verbal agreement na sa Singko
Nakausap namin si Gina Alajar sa taping ng Hiram na Puso na sabi ng direktor nitong si Roderick Lindayag ay extended ng one week. Tatapusin ni Gina ang isa sa sinusubaybayang afternoon soap ng GMA 7 sa gitna ng balitang lilipat siya sa TV5 at malapit na ngang pumirma ng kontrata.
Pati ang tsikang hindi lang siya magdidirek sa TV5, kundi makakasama sa Talent Development department ng network ay nilinaw din nito.
“May gagawin nga akong soap sa TV5, pero line produced ng Unitel. Wala pa sa ngayon at hindi ko alam kung matutuloy. Hangga’t hindi pa rumorolyo ang camera at ’di pa start ng taping, hindi ko masasabing tuloy na ang project. Ipinangako sa akin ni Tony Gloria na hindi makakatapat ng Hiram na Puso ang ibinibigay sa akin na afternoon soap,” sabi ng actress-director.
“Tungkol sa Talent Development, ang totoo ay matagal na akong kinausap ni Direk Mac Alejandre at gusto niyang tulungan ko siya. Nothing is sure yet, mag-uusap pa kami. May verbal agreement na, wala pang formality.”
Dagdag pa ni Gina, tinanggap ng manager niyang si German Moreno ang offer ng TV5 at ipinagpaalam siya sa GMA 7 na pumayag naman.
The Road trailer nag-No.1 sa iTunes
Nagpasaya pa sa GMA Films at cast ng The Road ang balitang nag-No. 1 ang trailer nito sa iTunes starting 5 p.m. LA time (April 23) o 8 a.m. Manila time (April 24). Naungusan nito sa pagiging most popular viewed trailers sa nabanggit na oras ang Avengers, at Moonrise Kingdom, second and third place, respectively.