Kamakailan ay nagpunta si KC Concepcion sa Hawaii para ipagdiwang ang kanyang 27th birthday. “Sinorprays ako ng friends ko, meron parang nag-hula, mga sayaw nilang Hawaiian, and kinantahan in Hawaii na happy birthday, sa may beach lang din ’yun,” bungad ni KC.
Sinubukan din ng dalaga ang isang water sport sa Hawaii na matagal na niyang gustong gawin.
“Nag-surfing ako, ’yun ang pinaka-highlight ng trip ko. Matagal ko nang gustong ma-try mag-surf, so nagawa ko na rin. Takot na takot ang kaibigan ko kasi maraming pating doon, pero nandito naman ako, kumpleto naman ako,” nakangiting kuwento ng aktres.
Samantala, nagbigay din ng reaksiyon si KC tungkol sa hindi pagkikita nina Gabby Concepcion at kapatid sa amang si Cloie. Umuwi noong January sa bansa si Cloie kasama ang inang si Jenny Syquia at hindi nagkaroon ng pagkakataong makita at makasama ni Gabby ang anak. Hindi pa kasi handa sa ngayon ang dalaga na makita at makasama ang kanyang ama.
“I understand Cloie, pero siguro mas maganda kung hindi muna ako gumitna. It’s enough may relasyon ako kay Cloie bilang kapatid niya. Pagdating kay papa, nasa kanila na ’yun. When Cloie is ready, she will know sa sarili niya, and I’m sure mabait naman ’yun, she’ll know what to do,” paliwanag ni KC.
Posibleng magkatapat ang bagong show ni KC at ang bagong show ni Sharon Cuneta sa TV5 na parehong singing competition ang tema pero ayon sa dalaga ay wala namang problema sa kanya ito.
Vice nasasaktan na sa mga batikos
Kumalat ang balitang nag-resign diumano si Direk Bobet Vidanes sa programa niyang It’s Showtime. Nagkaroon kasi ng hindi pagkakaunawaan ang direktor at si Vice Ganda kaya matatandaan na nawala si Vice sa programa pansamantala.
“Totoong nawala ako sa Showtime dahil unang-una, meron akong tour sa Middle East na araw-araw kong pino-promote sa Showtime. ’Yun ang dahilan kaya ako nawala at alam ng buong staff ’yan. Alam ng management ng ABS-CBN. ’Yung issue namin ni Direk Bobet, hindi ako ang dapat mag-esplika o magpaliwanag sa bagay na ’yan. Si Direk Bobet ang dapat n’yong tanungin at kung siya ba ay nag-resign at iniwan na ba niya ang programa namin dahil sa akin,” paliwanag ni Vice.
Nilinaw din ng komedyante na walang nagaganap na isnaban sa kanila ni Direk Bobet dahil hindi naman sila nagkikita sa loob ng studio.
“Ayokong sabihin na sweet kami, okay kami kasi hindi rin kami nagkikita. Ayokong magpaka-ipokrita, ’yun na lang siguro ang maipagmamalaki ko sa mundo,” makahulugang pahayag ni Vice.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin napag-uusapan nina Vice at Direk Bobet ang isyu sa pagitan nila. Naaapektuhan na rin ang komedyante sa mga naglalabasang isyu laban sa kanya.
“Nasasaktan, siyempre tao ako. Parang napaka-ipokrita kapag sinabi kong hindi ako nasasaktan. Masyado naman akong nagtitigas-tigasan pero wala akong magagawa kundi piliin ko na lang na maging positibo sa likod ng mga bagay na ’to. Nasasaktan ako pero hindi ’yun ang magiging dahilan para mabawasan ang ngiti ko,” pagtatapat ni Vice.
Isang statement naman ang ipinadala ng pamunuan ng It’s Showtime para tuldukan na ang mga isyung naglabasan:
“Hindi totoo na si Direk Bobet Vidanes ay nag-resign sa It’s Showtime. Gayundin, walang katotohanan na si Vice Ganda ang dahilan ng nasabing pagre-resign. Amin nang nasabi na nawala ng maikling panahon ang dalawa sa show, dahil si Direk Bobet ay nag-Holy Week break at si Vice ay pumunta sa Middle East para sa ilang commitments.
“Patuloy ang pagbibigay-aliw at pag-asa ng Showtime. Sa April 28, Sabado, magaganap ang inter-town grand finals. Abangan din ang mga bagong pakulo ng programa simula sa Lunes, April 30.” — Reports from JAMES C. CANTOS