?MANILA, Philippines - Muli na namang humataw ang ABS-CBN sa New York Festivals (NYF) International TV and Film Awards 2012 matapos parangalan ang mga programa nito mula sa News at Current Affairs.
Nakuha ng Krusada ang Bronze World Medal sa Social Issues/Current Events category para sa ulat at kampanya nitong palayain ang tatlong masakiting lolang matagal nang nakakulong.
Nagsilbing anchor ang batikang mamamahayag na si Abner Mercado para sa dokumentaryong pinamagatang Laya na inere noong Hunyo ng nakaraang taon. Ayon pa sa kanya, isang malaking papuri raw para sa isang mamamahayag at dokumentarista ang parangal. Ngunit higit pa rito, sana raw ay pagbigyan ng pamahalaan ang kahilingan ng mga preso.
Ilang taon na ring sinusubaybayan ni Abner ang kuwento ng mga presong bukod sa matatanda na, may mga taning din ang buhay. Kaya ang tangi nilang hiling ay mabigyan ng klemensiya ng Pangulo para matikman ang kalayaan at makapiling ang kanilang pamilya sa mga huling sandali ng kanilang buhay.
Ipinahayag naman ni Ging Reyes, ang head ng ABS-CBN News and Current Affairs Division, na kinakatawan ng nanalong dokumentaryo ni Abner ang tunay na pinaninindigan at tungkulin ng Krusada para sa mga Pilipino. “Ang ‘Krusada’ ay ‘di lamang nagsasabi ng istorya o kuwento ng buhay. Naninindigan din ang Krusada, ang mga mamamahayag na gumagawa nito para sa mga walang boses, para sa mga nagdurusa at para rin magising ang mga nasa poder – hindi man gobyerno, lahat ng nasa kapangyarihan – na sila ay gumalaw tungo sa ikabubuti ng mas marami,” ani ni Ging sa abs-cbnNEWS.com.
Ginawaran naman ng NYF ang TV Patrol ng ikalawang finalist certificate nito para sa coverage ng Typhoon Juaning sa Best Newscast category. Una nang naging finalist noong nakaraang taon ang TV Patrol para sa pag-uulat nito sa Manila bus siege na pinamagatang Bloodbath in Manila.
Pinangalanan ding finalist ang magazine program ni Korina Sanchez na Rated K para sa Magazine Format category at ang EDSA 25: Sulyap sa Kasaysayan, ang espesyal na dokumentaryong Kapamilya network para sa ika-25 anibersaryong 1986 People Power Revolution parasa History and Society category.
Kinilala rin bilang finalist ang dokumentaryong Storyline para sa Biography/Profiles category matapos itong magtamo ng tatlong parangal mula sa NYF noong nakaraang taon, kabilang na ang Silver World Medal sa Biography/Profiles category, Bronze World Medal sa Community Portraits category, at finalist certificate sa Social Issues/Current Events category.
Namayagpag din ngayong taon ang ABS-CBN sa iba pang kumpetisyon gaya ng Gandingan Awards, USTv Students’ Choice Awards, Anvil Awards, at Gawad Tanglaw kung saan ito ang nakakuha ng pinakamaraming parangal.