Nauna nang nagbigay ng kanilang pagsang-ayon ang ilang mga kapwa artista ni Nora Aunor tulad nina dating Pangulong Joseph Estrada, Boots Anson Roa, German “Kuya Germs” Moreno, at Movie and Television Review and Classification Board Chairman Grace Poe Llamanzares para mabigyan siya ng prestihiyosong titulo bilang National Artist sa pamumuno ni Bacolod Cong. Anthony Golez, Jr. Sinundan ito ng ilang mga rekomendasyon para gawaran din ng nasabing titulo ang kasabayan niyang si Vilma Santos na bukod sa isa ring mahusay na aktres ay isa pa ring matagumpay na pulitiko sa bansa at tumatayong gobernador ng lalawigan ng Batangas ngayon.
Pero bago pa masimulan ang paghahanda na karaniwan nang inaabot ng isa hanggang dalawang taon bago maipagkaloob sa karapat-dapat na recipient, nagbigay ng kanyang pahayag si Sen. Jinggoy Estrada na bukod sa dalawang nabanggit na aktres na hanggang ngayon ay aktibo pa rin sa kanilang pagiging artista, naririyan pa rin si Dolphy na mas senior sa dalawa hindi lamang sa edad kundi maging sa pagiging artista. Bago ang dalawang mas nakababata sa kanya, nauna nang may nagrekomenda sa Hari ng Komedya para gawing National Artist pero dahil marahil sa kaabalahan ng mga taong dapat maggawad nito kung kaya hanggang sa ngayon ay nakabitin ang rekomendasyon para sa komedyante Naalala lamang muli ito nang may magrekomenda kina Nora at Vilma na sinususugan ng marami, tagasubaybay man o hindi ng local movie na kilala si Dolphy sa kanyang pagiging isang mahusay na artista, isang mapagkalingang ama at isang matulunging tao.
Bea may parang humahabol ’pag nagsasalita
Napanood ko si Bea Binene sa Unang Hirit. Second time na yata niya ito. Akala ko nung una guest lamang siya pero hindi, meron siyang hino-host na segment na kung hindi educational ay informative.
Malaking tulong ito sa kanyang career, isang malaking kalamangan niya sa mga kasabayan niyang bagets na Kapuso stars. Para pagkatiwalaan siya ng segment sa isang malaganap na news program ay masasabing kapuri-puri. Pero ang napansin ko lamang ay sobra siyang mabilis magsalita, parang nagmamadali. Dapat siguro ay pag-aralan niyang magsalita ng malumanay, hindi ’yung parang nagmamadali siya at hindi na siya humihinga. Tuloy gumagaralgal ang boses niya. Kumbaga sa isang singer, malapit na siyang pumiyok. Kung kakaririn din niya ang pagho-host, dapat siguro kumuha siya ng lesson sa speech and voice delivery. Madali niya itong matututunan dahil matalino naman siya at maraming nalalaman.
Jessica nagmamakaawa sa kapwa Fil-Ams
Hindi nahihiya ang American Idol Top 5 finalist na si Jessica Sanchez na humingi ng tulong sa mga kapwa niya Fil-Am na tulungan siyang manalo kundi man makarating sa finals sa pamamagitan ng text votes. Siguro naman sa rami ng mga Pinoy ngayon sa Amerika ay hindi siya madedehado. Ito naman ay kung hindi na umiiral sa mga kababayan natin dun ’yung pagkakanya-kanya. Hindi pa ako nakakarating ng US pero halos lahat ng mga kamag-anak ko ay naroon na. Sila ang nagsasabi na hindi pa united ang mga kababayan natin dun. Nagpapataasan pa rin sila ng ihi. Marami nga sa kanila ang gusto nang umuwi pero siyempre hindi na sanay mabuhay sa hirap.
Kaya marahil may kaba si Jessica kung susuportahan siya ng mga kababayan niya. Dahil ang mga Amerikano ’yung katulad nila purong ’Kano ang sinusuportahan hindi ang isang tulad niyang Mexican/Filipino. Sayang kung nakakaboto lang tayong mga Pilipino rito, panalo na siya.
Sen. Villar nagtayo ng bagong Starmall
Dinagsa ng hindi lang ng mga taga-San Jose del Monte, Bulacan kundi ng mga karatig lugar ang bagung-bago at nagkakahalaga ng P15B ang opening ng Starmall nung Linggo (Abril 15) sa San Jose del Monte.
Kasabay nang pagbubukas ng Starmall San Jose del Monte ay ang Valiente mall tour nina JC de Vera at Nina Jose noong 2 p.m., album tour ni Erik Santos, 6 p.m., at ng San Miguel Beer promo with Jovit Baldivino and Aiza Seguerra.
Mayroon ding mall tour si Bryan Termulo sa April 20, Jimmy Bondoc, April 21; Batibot, April 22; Luke Mejares, April 25; at Bugoy Drilon at Liezel Garcia, April 28. Lahat ito ay magsisimula ng 4 p.m.
Ang Starmall ay ang ika-anim na ipinatayo ni Sen. Manny Villar at ng Starmall Group.