Nagpaalam na si Rufa Mae Quinto noong Linggo bilang co-host ng Showbiz Central pero puwede pa siyang umapir sa show hanggang sa katapusan dahil hanggang sa April 30 pa pala ang network contract niya sa GMA 7.
So, hindi dapat magulat ang televiewers kung umapir uli si Rufa Mae sa Showbiz Central sa darating na Linggo, kesehodang nagpaalam na siya.
Hindi malinaw kung ire-renew pa ng GMA 7 ang kontrata ni Rufa Mae dahil sa mga tsismis na lilipat siya sa ibang TV station.
Iza mahusay nang mag-host
Happy ako sa magandang reviews kay Iza Calzado nang maging host ito ng Bb. Pilipinas 2012 noong Linggo.
Mahusay talaga na host si Iza. Matalino rin siya dahil napatunayan ko ito nang magkasama kami sa Starstruck V.
Siguradong masusundan pa ang mga hosting job ni Iza sa mga event ng ABS-CBN dahil sa kanyang galing.
Katrina lumabas pang agrabyado
Kasing-init ng panahon ang mga intriga sa pagitan nina Marian Rivera at Katrina Halili. Naiintindihan ko ang nararamdaman ni Marian dahil tinotoo ni Katrina ang pagsampal sa kanya sa isang eksena ng My Beloved dahil ganung-ganun ang nangyari noon kay Lorna Tolentino nang totohanin ni Chin Chin Gutierrez ang pagsampal sa kanya sa isang eksena nila sa Dahil May Isang Ikaw.
Pero imbes na magmaldita, tumahimik na lang si Marian dahil inisip nito ang kalagayan ng buntis na si Katrina na nag-sorry naman daw.
Ang ipinagtataka ko lang, bakit si Katrina pa ang parang naagrabyado sa mga kuwento na nakakarating sa akin?
Malapit na akong maniwala sa mga tsismis na napaglilihian ni Katrina si Marian at kung totoo man ito, siguradong magiging maganda ang kanyang ipinagbubuntis na baby girl.
Ruffa naiyak sa sobrang inis
Napahalakhak naman ako sa kuwentong kutsero na kambal ang panganay na anak ni Ruffa Gutierrez pero ibinenta ni Annabelle Rama ang isa sa kambal.
Talagang may dahilan si Ruffa na mabuwisit nang malaman niya ang bagong paninira tungkol sa kanya at sa mga anak niya.
Hindi believable at hindi dapat paniwalaan ang kuwento dahil nakabantay noon ang lahat sa pagsisilang ni Ruffa kay Lorin sa Amerika.
Nakakaloka ang kuwento dahil nagmistulang teleserye ang buhay ni Ruffa. Usung-uso sa mga teleserye ang kuwento na nagkahiwalay ang magkakambal dahil ipinamigay o ibinenta ang isa sa kanila.
Ang kuwentong kutsero ang dahilan ng pag-iyak ni Ruffa sa presscon ng The Mommy Returns. Hindi napigilan ni Ruffa ang maiyak dahil sa sobrang inis na nararamdaman dahil mga imbentong kuwento.
Happy birthday Mayor…
Happy birthday today kay Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan. May big birthday celebration si Papa Enrico sa kanyang Amana Waterpark Resort sa Pandi.
Dinarayo ang Amana Waterpark Resort dahil napakaganda ng lugar, lalo na ang kanilang napakalawak na wavepool.
Ang Amana Waterpark Resort ang venue ng Don’t Lie To Me segment ng Showbiz Central noong Linggo. Namataan din si Phillip Salvador at ang pamilya nito sa bonggang resort na pag-aari ni Papa Enrico.